Direk Rossana Hwang proud sa kanyang animated movie na “Plump Blossom” palabas na sa mga sinehan sa Sept. 23
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
INTERESTING ang animated movie na “Plump Blossom” na handog ng Kapitana Entertainment Media, dahil maituturing itong isa sa pioneer sa paggamit ng AI technology sa Philippine Cinema para mabuo at maging maganda ang nasabing pelikula.
Sa napanood namin, maganda ang trailer ng pelikula, kaya hindi lang mga bata ang magiging interesadong panoorin ito, kundi pati mga adult.
Sa ginanap na presscon sa Kamuning Bakery recently, nabanggit ni Direk Rossana Hwang na ang pelikula ay mapapanood sa mga sinehan, nationwide sa Sept. 23, 2026. Ito rin ang selebrasyon ng Mid-Autumn Festival na kilala rin bilang Moon Cake Festival at ayon sa kanya, mahalaga ito sa mga Chinese pati na sa mga Chinoy.
Aniya, “The movie is inspired by Tang Dynasty, 1400 years ago. Our princess here is a plump princess because I saw in my visit to Shanxi History Museum in China, that the figurines there of the noble women are all malusog, plump.”
Dito raw nagka-idea si Direk Rossana, na gawing malusog ang bidang prinsesa sa nasabing animation movie.
Nagpasalamat din si Direk Rossana sa lahat ng bumubuo ng kanilang pelikula.
“Hindi ko akalain na matatapos ko ito, kasi ang hirap-hirap talaga. Each step of the way, I was almost going to give up but I still continued, continued… nagulat na lang ako, I am in the finish line… Together with all the people at mga artist, maraming-maraming salamat,” pakli pa ng lady director, na kilala rin bilang Kapitana dahil siya ay former barangay captain sa sosyal na Dasmariñas Village sa Makati.
Ang Plump Blossom ay kuwento ni Prinsesa Ruo Hua, na ang kanyang kabutihan at katapangan ang gumagabay sa kanya sa mga pagsubok na kanyang kinaharap.
Ang pelikula ay isang full-length animated musical. Kabilang sa voice cast sina Candice Tan bilang Prinsesa Ruo Hua; Don Puno bilang si General Jian; Gutch Gutierrez bilang Chef Bao; Chad Williams as General Feathers; Thunderson Tan bilang Wen; Yeng Her bilang Yuan Yuan; at Audie Gemora bilang Emperador.
Ang singer/actress na si Paulina Yeung ang umawit ng mga kanta sa orihinal na soundtrack ng pelikula.
Sa kabila ng mga naranasang balakid, ipinagmamalaki ni Kapitana ang kanilang pelikula dahil ito ay isang pagpupugay sa mga Filipino animation artists na ilang dekada nang kinikilala ang husay sa buong mundo, kabilang sa mga internationally acclaimed films at television series.
Ngunit sa kabila nito, kaunti lang ang mga sumusubok gumawa ng animated feature films sa ating bansa at umaasa si Kapitana na ang Plump Blossom ang magpapabago nito.
Saad niya, “We already have world-class talent. The next step is telling more of our own stories.”
Umaasa siyang ang kanilang animation movie ay magsisilbing inspirasyon sa mga Filipino writers, composers, designers, animators, at filmmakers upang lumikha ng original animated films para sa mga audience rito sa atin at sa buong mundo.
“We’ve spent many years helping tell other people’s stories, now it’s time to tell more of our own,” wika pa ni Direk Rossana.
Ang mensahe ng Plump Blossom, ang pagsuporta sa Philippine animation ay hindi lang basta sa panonood ng isang pelikula. Ito ay tungkol sa paghikayat sa buong henerasyon ng mga tagalikhang Filipino na mangarap nang mas malaki, lumikha nang buong tapang, at maniwala na ang kanilang mga kuwento ay karapat-dapat maipalabas sa malalaking entablado o venue.
