PlayTime Entertainment, iWant sanib-pwersa sa paglikha ng mga orihinal na Filipino content
NAGKAISA ang PlayTime Entertainment at iWant ng ABS-CBN Corporation para gumawa ng mga orihinal na programang Filipino, simula sa romantic comedy na Will You Fake Marry Me? na pinagbibidahan nina JM Ibarra at Fyang Smith, at Sparks Camp Season 4.
Ang pagsasamang ito ay ang una sa ilang proyektong naglalayong maghatid ng de-kalidad na nilalamang lokal na tatatak sa mga Filipinong manonood.
“Ang pakikipagtulungan ito sa PlayTime Entertainment ay nagbibigay pahintulot na kami ay gumawa ng mas maraming kuwento, lalo’t higit ay itaas ang kalidad ng mga programa,” pahayag ni Jolly Estaris, Head ng iWant. “Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng aming mga creative expertise sa pangako ng PlayTime Entertainment sa paghahatid ng mga makabagong istorya, patuloy kaming magbibigay ng mga nilalamang akma sa mga Filipinong manonood habang itinataas ang pamantayan para sa local entertainment.”
Ayon sa PlayTime Entertainment, ang kanilang pagsasama sa proyektong ito ay sumasalamin sa pangakong lumikha ng mga orihinal na nilalaman na hinubog batay sa pananaw ng mga manonood at makabuluhang pagkukwento.
“Patuloy kaming makikinig at iintindi sa kung ano ang gusto ng aming mga tagapanood sa pamamagitan ng patuloy na pagsasaliksik at pakikipag-ugnayan,” ani Adela Mae Marshall, tagapagsalita ng PlayTime Entertainment. “Bagaman inumpisahan namin sa pamilyar na pormula ng romantic comedy, nasasabik kaming tumuklas ng higit pa sa genre na ito at sumubok ng iba’t ibang konsepto ng kuwento, tema, at mga talento. Ang layunin namin ay hindi lamang magbigay saya kundi magkapag-ambag sa pag-unlad ng Filipino entertainment.”
Sa hinaharap, sinabi ng PlayTime Entertainment na nais nitong palawakin ang pakikipag-ugnayan nito sa iWant sa pamamagitan ng pagbuo ng mas maraming orihinal na produksiyon sa iba’t ibang genre, paglikha ng mga kuwentong nakaaaliw, nagdudugtong sa mga manonood at sumasalamin sa magkakaibang karanasan ng mga Filipino.
