WALA pang 12 oras matapos matagpuang patay ang isang babae sa bayan ng Paniqui, lalawigan ng Tarlac, agad natunton at naaresto ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa krimen sa isang ikinasang mabilis na police operation.
Sa ulat mula kay Paniqui MPS Chief P/Lt. Col. John Lester Zafra, natagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak sa katawan sa Sitio Bagkok, Barangay Abogado, sa naturang bayan dakong 5:20 ng umaga nitong Lunes, 20 Hulyo.
Dakong 5:30 ng hapon nang matagumpay na nadakip ang 30-anyos suspek sa Barangay Poblacion, sa parehong bayan, matapos ang mabilis at masusing imbestigasyon, hot pursuit operation, at pagsusuri sa mga kuha ng CCTV sa paligid ng pinangyarihan ng insidente.
Sa kaniyang pagkakaaresto, narekober ng mga operatiba ang patalim na hinihinalang ginamit sa pagpatay, may habang 7.8 pulgada, at ang mga damit na kanyang suot noong mangyari ang insidente.
Isinagawa ang pagdakip sa suspek ng pinasanib na puwersa ng mga operatiba ng Paniqui MPS katuwang ang PIU at PIDMU ng Tarlac PPO sa tulong ng RID-RSOG, RIU at PIT.
Narekober sa operasyon ang motorsiklong pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Paniqui MPS ang suspek habang isinasailalim sa kaukulang imbestigasyon at inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder laban sa kaniya.
Pahayag ni P/Col. Harry Lorenzo III, acting provincial director ng Tarlac PPO, hindi nila hahayaang makatakas ang kahit sinong gumawa ng karumal-dumal na krimen sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
