Gun Fire

Angono barangay secretary tinambangan ng tandem

HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang 47-anyos barangay secretary na tinambangan ng riding-in-tandem habang naglalakad patungo sa kanilang barangay hall sa Angono, Rizal noong Biyernes ng umaga, 17 Hulyo.

Sa ulat, sinabi ni Angono Police Chief, P/Lieutenant Colonel Ariel Azurin, naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Freddie Cañeva, secretary ng Barangay San Vicente ngunit bigong mailigas sa isinagawang surgical procedure dakong hapon nitong 19 Hulyo dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan.

Nabatid na naglalakad ang biktima nang harangin siya at pagbabarilin ng mga suspek na nakaabang sa kanya sa eskinita patungong barangay hall.

“Sa totoo lang po, walang kaaway ang asawa ko. Nag-iisip kaming mag-ina kung bakit nagawa sa asawa ko po ‘yon na barilin siya nang ganoon lang,” pahayag ng asawa ng biktima.

“It’s unimaginable for me to think because my father is just going to his usual work ready to serve the people. Hindi ko magawang maisip bakit nila ginawa ‘yun kasi all I know is that my father is really a true man,” ayon naman sa 19-anyos anak na babae.

Sa follow-up operation sa bahagi ng Cainta, Rizal, namataan ang mga suspek sa isang slum area. Inabandona ang motorsiklo at nagtatakbo hanggang sa bubong ng mga kabahayan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa pagtugis sa mga suspek.