NADAKIP na ang pumaslang sa babaeng guro ng Ateneo de Naga University (AdNU) na natagpuang patay sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay sa Naga City, Camarines Sur nitong Sabado ng gabi, 18 Hulyo.
Sa ulat, sinabing ilang oras matapos matagpuang patay ang guro ng AdNU Grade School sa loob ng kanilang bahay sa Deca Homes Viztanza, Barangay Pacol ng lungsod na ito, agad naaresto ng mga pulis ang suspek sa Barangay San Cirilo, Pasacao, Camarines Sur.
Isa sa mga pinagkakilanlan sa suspek ang tattoo sa kamay na nakunan ng CCTV.
Kasalukuyang nakapiit at inihahanda ang patong-patong na kaso laban sa nahuling suspek, kinilala sa alyas na Jason, nasa hustong gulang, residente sa naturang lugar, dahil sa pagpatay sa guro na kinilalang si Liezel Permale, may live-in partner.
Nabatid kay Captain Arnel Azaña ng Police Station 4 ng Naga City Police Office, naging madali ang kanilang imbestigasyon at paghuli sa suspek sa tulong ng komunidad ng Brgy. Pacol na nagbigay ng mga kopya ng kanilang CCTV footages at sa mga nagturo sa kinaroonan ng suspek.
Nakompirma ang pagkakakilanlan ng suspek dahil nakunan ng CCTV camera sa bahay mismo ng biktima ang kamay ng suspek na may tattoo nang galawin nito ang security gadget.
Pasado 6:00 ng gabi, nahagip din ng CCTV camera ang paglabas ni Jason sa bahay ng biktima bago natagpuang patay sa loob ng kanilang kuwarto na walang saplot sa katawan.
Inabutan ang suspek sa kanilang barangay at agad inaresto na nakitaan ng mga ebidensiya ng mga pulis nang makuha sa kanya ang cellphone, iPhone tablet, ATM cards, at iba pang gamit na kinompirma ng kinakasama na pag-aari ni Liezel.
Sa interogasyon, inamin ng suspek na pinatay niya ang guro sa pamamagitan ng pagtakip ng unan sa mukha hanggang hindi na makahinga.
Hinihintay ng pulisya ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng babaeng guro upang mabatid kung pinagsamantalahan ng suspek ang biktima na walang saplot sa katawan nang madatnan ng mga nagrespondeng pulis sa kanyang tahanan.
Ang resulta ng awtopsiya ay makatutulong sa pagsasampa ng kaukulan at karagdagang kaso laban sa suspek.
