PDLs magiging degree holder sa CSBB ng BJMP
MULA sa pagsusuot ng unipormeng kulay kahel na may tatak na PDL tungo sa pagsusuot ng graduation robe.
Ito ang layunin ng isa sa pangunahing programa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa ilalim ng liderato ni Dir. Efren Nemeño.
Kaugnay nito, inilunsad na ng Mandaue City Jail ang programang “College and Skills Behind Bars” (CSBB) bilang bahagi ng pinaigting na rehabilitasyon at paghahanda sa reintegrasyon ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa pamamagitan ng pinalawak na de-kalidad na edukasyon at pagpapaunlad ng kasanayan.
Bilang panimula, may kabuuang 39 PDLs na kinabibilangan ng 28 lalaki at 11 babaeng mag-aaral, ang boluntaryong nag-enrol sa programa na nagbukas nitong 10 Hulyo alinsunod sa direktiba ni Nemeño ukol sa “whole-of-community jail governance”.
Ipinapakita ng CSBB ang dedikasyon ng BJMP sa restorative corrections sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga nakapiit ng pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo, makakuha ng mga praktikal na kasanayan, at muling mabuo ang kanilang buhay nang may dignidad at layunin.
Ipinatupad ang programa sa pakikipagtulungan ng Mandaue City College (MCC) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA Region VII). Ang inisyatibang ito ang kauna-unahang pinagsamang programa sa loob ng BJMP na pinagsanib ang tertiary education at technical-vocational training para sa mga PDL.
Kukuha ang mga kalahok ng kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Marketing Management, habang sabay na sumasailalim sa mga pagsasanay sa teknikal-bokasyonal na kasanayan na idinisenyo upang mapabuti ang kanilang tsansa na makahanap ng trabaho at kabuhayan kapag sila ay lumaya.
Ayon sa BJMP, opisyal nang nagsimula ang mga face-to-face na klase para sa first semester ng academic year 2026–2027 noong Lunes (Hulyo 13, 2026) sa Mandaue City Jail – Male Dormitory.
Sa ilalim ng mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na protocol sa seguridad at kustodiya ng BJMP, gaganapin ang mga klase mula Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 a.m. hanggang 11:00 a.m. at 1:00 p.m. hanggang 4:00 p.m.
Sa pamamagitan ng edukasyon at bokasyonal na pagsasanay, sinasangkapan ng programa ang mga kalahok ng kaalaman at mga kakayahan na kinakailangan upang maging produktibo, responsable, at masunurin sa batas na mga kasapi ng lipunan sa kanilang muling pagbabalik sa kanilang mga komunidad. (ALMAR DANGUILAN)
