QCPD Quezon City

6 suspek sa pagpatay kay Perry Mariano, driver, kinasuhan na

SINAMPAHAN na kahapon ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni P/BGen Randy Glenn Silvio, ng dalawang bilang ng kasong murder ang anim na indibiduwal na sangkot sa pamamaril sa pro-billiard bossing at businessman Perry Mariano at sa driver nito sa kanto ng Timog Avenue at EDSA, Barangay South Triangle, Quezon City noong 28 Abril, ngayong taon.

                Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Uno, Besa, Boy, Bore, Frapa, at “Pajo.

Batay sa imbestigasyon, lulan ng isang puting Suzuki S-Presso ang mga biktima nang sila ay tambangan ng dalawang armadong suspek na magkaangkas sa isang motorsiklong Yamaha Mio 125.

Maraming bala ang tumama kay Mariano, 75 anyos,  at sa driver niyang si Norberto Orimaco, 51, na agad isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC), kung saan kinalaunan ay nasawi din ang dalawa.

Sa isang follow-up operation, narekober ng mga operatiba ng QCPD ang iniwang motorsiklo na ginamit sa pagtakas sa Scout Rallos malapit sa Ybardolaza St., sa lungsod.

Ito ang nag-udyok sa mga imbestigador na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat na humantong sa pagtukoy sa mga indibiduwal na sangkot.

Sa pamamagitan ng masusing pagsusuri ng CCTV, pakikipanayam sa mga saksi, digital forensic examination, at intelligence validation, natunton ng mga imbestigador ang mga kilos ng mga suspek bago at matapos ang insidente.

Ang karagdagang pagsisiyasat, kabilang ang beripikasyon ng isang transaksiyon sa GCash at social media profiling, ay humantong sa pagtukoy sa hinihinalang drayber.

Natukoy sa imbestigasyon ang ugnayang forensic sa pamamagitan ng ballistic examination; tumugma ang mga basyo ng bala na narekober sa pinangyarihan ng krimen sa ebidensiya mula sa isang naunang insidente ng pamamaril sa Arayat, Pampanga, na nagpapahiwatig ng posibleng paggamit ng parehong kalibre .45 baril.

Itinuro rin ng karagdagang imbestigasyon ang personal na alitan at hidwaang may kaugnayan sa negosyo bilang mga posibleng motibo sa likod ng pagpatay.

Patuloy pang tinutugis ng mga operatiba ng QCPD ang mga nasabing suspek. (ALMAR DANGUILAN)