Alas Pilipinas Boys Asian Volleyball Confederation AVC

 Sa 2026 Asian Volleyball Confederation (AVC) Boys’ U18  
Alas Boys pinabagsak ang Australia; Target ang Makasaysayang Top 9 Finish

HAIKOU, China – Pinataob ng Alas Pilipinas Boys ang Australia sa straight sets, 25-20, 30-28, 25-20, sa classification round ng 2026 Asian Volleyball Confederation (AVC) Boys’ U18 Volleyball Championship nitong Huwebes ng gabi sa Wuyuan River Gymnasium.

Dahil sa panalo, lalo pang pinalakas ng Pilipinas ang tsansa nitong maitala ang pinakamataas na pagtatapos sa kasaysayan ng torneo sa pamamagitan ng target na ika-9 na puwesto, mas mataas sa ika-11 puwestong nakuha nito noong 2024 edition sa Bahrain.

Hindi naging madali ang laban para sa Alas Boys, lalo na sa ikalawang set kung saan anim na beses nagtabla ang dalawang koponan habang nagpalitan ng matitinding atake sina Al-Raquib Dais at Australian spiker na si Eddie Kerwin.

Matapos ang service error ni Alex Liang, agad na ibinaon ni Dais ang isang malakas na crosscourt kill upang iselyo ang ikalawang set, 30-28.

Nagpatuloy ang pagragasa ng Pilipinas sa ikatlong set habang sunod-sunod ang naging errors ng Australia. Sinamantala ito ng nagliliyab na si Dais upang ihatid ang Alas sa 25-20 panalo at tuluyang tapusin ang laban sa tatlong sets.

Nagkaloob ang Australia ng 25 puntos mula sa errors, habang 14 lamang ang ibinigay ng Pilipinas, na suportado ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC).

Namuno si Dais, 16-anyos, na may 25 puntos mula sa 21 attacks, tatlong blocks at isang ace. Nag-ambag naman si Terrence Marticion ng 11 puntos.

“Dahil wala na tayo sa Top 8, ang bagong target namin ay makuha ang pinakamataas na posibleng pagtatapos sa ika-9 na puwesto. Iyon ang nagsisilbi naming motibasyon. Kailangan naming ipagpatuloy ang pagsisikap at mapataas pa ang aming ranggo,” ani head coach Oliver Balse.

“Alam naming matangkad ang Australia kaya umasa kami sa aming mga plays upang masiguro ang panalo,” dagdag pa niya.

Pinangunahan ni King ang Australia sa 12 puntos, habang may 11 naman si Alex Liang, ngunit hindi ito naging sapat upang pigilan ang Alas Boys.

Makakaharap ng Pilipinas ang magwawagi sa pagitan ng Kazakhstan at Hong Kong sa 9th-12th classification semifinals. (POC/HNT)