PH Archers nagningning sa Singapore; 30 medalya naiuwi
13 Gold, 10 silver, 7 bronze sa Youth Archery Championships
IPINAGMALAKI ng pambansang koponan ng Pilipinas sa archery ang kanilang mga medalya kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio sa isinagawang courtesy call nitong Miyerkules matapos ang matagumpay nilang kampanya sa Singapore Youth Archery Championships sa Bukit Gombak Stadium.
Mainit na sinalubong nina Gregorio at PSC Commissioner Edward Hayco ang delegasyon na binubuo ng 21 archer, limang coach at limang team official, habang buong pagmamalaking ipinakita ng mga atleta ang kanilang mga medalya mula sa tatlong araw na torneo para sa mga edad 18-anyos pababa.
Umuwi ang Team Philippines na may 13 gintong medalya, 10 pilak at pitong tanso, patunay na isa na itong puwersang dapat paghandaan sa larangan ng archery sa Asya.
Malaki ang naging bahagi sa tagumpay ng koponan ng world-class coaches na sina Ryu Su Jeng, na naghatid sa South Korea ng limang gintong medalya sa 2016 at 2020 Olympic Games, at Hong Sung Chil, kampeon sa 1999 World Championships.
“Ito ang muling pagsigla ng Philippine archery,” ani Gregorio, na inilarawan ang kampanya ng Pilipinas sa Singapore bilang isang “perfect bullseye.”
Ayon naman kay World Archery Philippines president Bing Reaport, panahon na upang maibalik ang dating ningning ng Philippine archery.
“Panahon na para maibalik ang mga araw ng kaluwalhatian ng Philippine archery. Para sa bayan ito,” sabi ni Reaport matapos ang torneo na nilahukan ng mga archer mula sa China, Hong Kong, Chinese Taipei, Malaysia, Indonesia, Thailand, Australia, Laos at host Singapore.
Sa huling araw ng kompetisyon, nagwagi ng gintong medalya sina Mariano Matteo Medina (U15 Recurve Men), General Marc Bangoy (U18 Recurve Men), Leila Jell Cano (U18 Recurve Women), Mateusz Vaughn Johnson (U18 Compound Men) at Abigail Lim (U21 Compound Women).
Nagdagdag naman ng mga pilak na medalya sina Chass Mhavien Colas sa U18 Recurve Men at Zac Zayco sa U18 Compound Men, na lalo pang nagpatibay sa matagumpay na kampanya ng Pilipinas sa torneo. (PSC/HNT)
