MTRCB tuloy pag-iikot sa mga paaralan at unibersidad para sa Responsableng Panonood
HARD TALK
ni Pilar Mateo
NAKABALIK ka na ba sa sinehan?
Lubos pa rin ang maigting na panonood ng pamunuan ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) para sa mga ihahaing palabas sa mga sinehan para sa buong pamilya.
Kabilang ang Minions and Monsters sa mga sineng thriller, horror, atbp. na mapapanood pagkatapos mabigyan ng MTRCB rating.
Ikinagagalak ng MTRCB na anyayahan ang publiko na dumalaw sa mga sinehan ngayong linggo para panoorin ang mga bagong pelikula na sinuri at binigyan ng klasikipikasyon.
Para sa mga batang manonood, nariyan ang Minions and Monsters, ng PG (Parental Guidance) rating. Ito ang pinakabagong pelikula sa Despicable Me franchise at pinagbibidahan ng mga boses nina Steve Carrell at Pierre Coffin.
Kung thriller naman ang inyong hanap, ang The Black Box– tampok si Fabian Arnold – ay ginawaran ng R-13 rating ng MTRCB.
Para sa mga mahilig sa mga maaksiyong eksena, maaari niyong panoorin ang The Furious– isang martial arts film na tampok si Sahajak Boonthanakit. Binigyan ito ng R-16 rating ng MTRCB.
Kung mga nakatatakot na pelikula ang hilig, nariyan ang Leviticus na pinagbibidahan nina Joe Birdand Stacey Clausen. Ang Leviticus ay eksklusibong ipalalabas sa SM Cinemas at binigyan din ng R-16 rating.
Sa isang pahayag, hinikayat ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang publiko na gamiting gabay ang classification ratings ng board kapag sila ay pumunta sa mga sinehan ngayong linggo.
“Nais naming ipaalala sa mga magulang na pumili ng pelikulang angkop para sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtingin sa ratings na iginagawad ng MTRCB,” sabi ni Sotto.
“Ito ay para matiyak na ang content na panonoorin ng mga miyembro ng ating pamilya ay akma para sa kanilang edad at antas ng pang-unawa,” dagdag pa niya.
Ang G o General Audience rating ay nangangahulugan na ang isang pelikula ay angkop na ipalabas para sa lahat ng edad, habang ang PG rating o Parental Guidance ay nangangailangan ng patnubay ng isang magulang o guardian para sa mga nakababatang manonood.
Ang R-13 rating naman ay nangangahulugan na ang pelikula ay para lamang sa mga manonood edad 13 at pataas, samantalang ang R-16 movies ay para sa mga manonood edad 16 at pataas.
Samantala, ang pelikulang may R-18 rating ay dapat lamang ipalabas sa mga manonood na nasa wastong edad.
Wala ring kapaguran ang pamunuan sa pag-iikot sa mga paaralan at unibersidad at pagtungo sa sari-saring sangay ng pamahalaan sa mga lalawigan para paigtingin at ipaliwanag ang kahalagahan ng #ResponsablengPanonood.
Dagdag ng MTRCB Chair, dapat tingnan muna ng publiko ang ratings ng MTRCB para sa mga pelikula bago sila bumili ng mga tiket.
Hinikayat din ni Sotto ang mga manonood na suportahan ang mga sineng ipinalalabas ngayong linggo, na naglalahad ng mga kuwento na kagigiliwan ng mga manonood, ano man ang edad.
“Ang mga pelikulang ito ay hindi lamang naglalahad ng iba’t ibang kwento, kundi maaari ring kapulutan ng aral basta’t may tama at akmang paggabay ng ating mga magulang,” dagdag pa ni Sotto.
