SINALBA nina Francis Erl Jud Abundo at Kathleya Elaine Bustamante ang kampanya ng Team Philippines matapos sumikwat ng tig-isang gintong medalya sa pagtatapos ng Karate One-Youth League na itinanghal sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Isang araw bago ang kanyang ika-13 kaarawan, rumatsada si Abundo at dinomina si Azlee Khairi bin Wan Zuraimi ng Brunei, 7-0, upang masungkit ang korona sa under-14 male kumite -40kg category ng torneo na sanction ng World Karate Federation at inorganisa ng Karate Pilipinas Sports Federation, Inc.
Matapos ang tatlong araw na walang naiuwing ginto ang host country, si Bustamante ang naghatid ng inaasam na breakthrough matapos pabagsakin si Australian bet Ana Jovic, 6-2, sa finals ng under-14 female kumite -47kg division.
Nagdagdag naman sina Dean Caleb Montalbo at Alexa Rae Vallesteros ng tig-isang silver medal matapos pumangalawa sa under-14 male at female kata events ng torneo na suportado rin ng SM Group of Companies, Lanson’s Place at Milo.
Bahagyang kinapos si Montalbo kontra kay Moayad Alqahtani ng Saudi Arabia, 2-3, habang hindi kinaya ni Vallesteros ang tikas at precision ni Japanese standout Kyoka Okamoto na nagwagi sa iskor na 5-0.
Nauna nang nagbigay ng tansong medalya si Ashana Geanne Sabote matapos talunin si Niela Aieza Albano, 2-1, sa repechage round ng kumite female -42kg class. Sinundan ito ni Kaylani Vergara na nanaig kontra kay Andrea Nikolic ng Serbia, 4-1, para sa isa pang bronze medal.
Sa kabuuan, nagtapos ang Pilipinas na may dalawang ginto, dalawang pilak at dalawang tanso sa torneo na nilahukan ng halos 800 karatekas mula sa 58 bansa.
“Akala ko magiging close fight siya dahil finals,” ani Abundo, isang Grade 7 student ng Agustinian Abbey School of Las Piñas.
“Triny ko pong mag-attack pero hindi siya nag-counter kaya nasabayan ko siya ng sipa at suntok kaya nanalo ako,” dagdag pa ng batang karateka na nagsimulang magsanay sa edad na lima ngunit pansamantalang tumigil dahil sa pandemya.
Mas naging magaang ang kanyang landas sa finals matapos pataubin si WKF-1 Nikita Komarov, 7-3, sa semifinals.
Samantala, emosyonal si Bustamante sa kanyang panalo.
“Napakasarap sa pakiramdam dahil first time ko itong maranasan. Sobrang surprise ito para sa akin,” ani Bustamante.
“Masaya ako dahil naibigay ko ang best ko para makamit ito.”
Umaasa naman ang Grade 7 student ng Notre Dame University sa General Santos City na madadala niya ang magandang performance sa Palarong Pambansa na bubuksan sa Mayo 24 sa Prosperidad, Agusan del Sur, kung saan demonstration sport ang karate. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com