
HATAW News Team
IGINIIT ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Sa komentong may 83 pahina, may petsang 16 Mayo, hiniling ng OSG sa SC na ibasura ang Urgent Manifestation with Omnibus Motion at Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion na inihain ni Dela Rosa dahil sa kawalan ng merito.
Binigyang-diin ng OSG, walang karapatan si Dela Rosa sa isang “injunctive writ” upang ipagbawal ang pag-aresto sa kanya at pagsuko sa ICC.
Ipinaalala ng OSG na dapat maging maingat ang SC sa pag-isyu ng injunctive relief, at hindi maaaring gamitin ni Dela Rosa ang equity ‘nang walang malinis na mga kamay’.
Ipinunto ng OSG, ang esensiya ng pagiging pugante mula sa hustisya ay ang paglalagay ng sarili sa lugar na hindi matutukoy ng mga tagapagpatupad ng batas.
“This essence is precisely reflected in Senator dela Rosa’s deliberate evasion of arrest. The fugitive disentitlement should also apply to him,” sabi ng OSG.
Noong nakaraang Lunes, 11 Mayo, nang isampa ni Dela Rosa ang mga petisyon na humihingi ng judicial recourse at mosyon na temporary restraining order (TRO) ngunit siya’y nabigo.
Sa halip, inatasan ng SC ang Ehekutibo na maghain ng komento sa loob ng tatlong araw, na sasagutin ng kampo ni Dela Rosa sa loob din ng tatlong araw.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com