PINATUNAYAN nina Peter Sancho Del Rosario at Anisha Eunice Caluya ang kanilang husay matapos maghari sa sprint junior elite category ng National Age Group Aquathlon na ginanap sa Amoranto Sports Complex sa Quezon City.
Naitala ng 16-anyos na si Del Rosario ng Santa Rosa, Laguna ang pinakamabilis na oras na 15 minuto at 54 segundo sa men’s division.
Ayon kay Del Rosario, naging epektibo ang kanyang inihandang estratehiya bago ang kompetisyon kaya matagumpay niyang nakuha ang kampeonato.
Pumangalawa si Darell Johnson Bada ng Olongapo City sa oras na 16:07 habang pumangatlo si Giro Don Rafael Gito sa 16:25.
Sa women’s division, matagumpay namang nadepensahan ni Caluya ang kanyang titulo matapos magtala ng 18:00 laban kay Kariel Rosacena ng El Nido Teen Sharks na nagtapos sa 22:10.
Sinabi ng 19-anyos na atleta mula De La Salle University na masaya siya sa kanyang naging performance sa kabila ng sunod-sunod na lokal at internasyonal na kompetisyon.
Matapos ang Subic International Triathlon, nakatakda namang sumabak si Caluya sa Asian Junior Cup sa Kampar, Malaysia sa Hunyo 10 hanggang 14.
Samantala, nagwagi rin sina Dustin Dame Eslay ng North Pine Aquatic Swim Team at national team standout na si Erika Burgos sa sprint elite men’s at women’s divisions.
Kabilang din sa mga nagkampeon sina Ralf Bernhard (16-19), Jan Mikaela Caruncho (20-29), at sina Fritzie Labastida at Patty Dimaano-Moncera (40-49).
Sa U15 Youth 13-15 category, nanguna sa boys division sina Pio Mishael Gabriel Latonio, Remsen Balog-Asan Cayowet, at Kurt Evans, habang namayagpag naman sa girls division sina Alainia Bouffaut, Eliesse Julia Dela Cruz, at Jovie Yzelle Calisog.
Nagkampeon din sa Super TriKids sina Gavin Tantoco at Ma. Georjina Pacquing-Sumale sa 9-10 divisions habang nangibabaw naman sina Knight Hiliel at Ysabella Leana sa under-6 category.
Ang torneo ay suportado ng Philippine Sports Commission, Milo, at Gatorade bilang bahagi ng grassroots at talent identification program ng Triathlon Philippines.
Nagpasalamat si Triathlon Philippines president Tom Carrasco sa Quezon City government sa maayos na pagsasagawa ng paligsahan. (TriPhil / HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com