PINAGTIBAY ng Pangulo ng Olympic Council of Asia (OCA) na si Sheikh Joaan bin Hamad Al-Thani ang pagho-host ng Filipinas sa 7th Cebu Asian Beach Games (ABG) 2028 sa isinagawang courtesy call kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Malacañang.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, tinalakay ni Sheik Al Thani at ng Pangulo ang kahalagahan ng kooperasyon sa larangan ng palakasan, bukod sa suporta para sa pagdaraos ng ABG sa 2028.
Dumalo rin sa naturang mahalagang pagpupulong si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick Gregorio. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng pulong ang pamunuan ng OCA at isang nakaupong Pangulo ng Filipinas sa loob ng Palasyo.
Isinagawa ang pagpupulong wala pang isang araw matapos ipagkaloob ni Sheik Al Thani ang watawat ng ABG bilang sagisag ng paglipat ng tungkulin ng pagho-host sa Filipinas, kasunod ng pagsasara ng 6th ABG sa Sanya noong Huwebes.
Gaganapin ang naturang palaro mula 7 Marso hanggang 16 Marso 2028. Itinalaga sina Ramon “Tats” Suzara ng POC at PSC bilang Pangulo at Chief Executive Officer ng Cebu ABG Organizing Committee (CABGOC).
Idinagdag ni Tolentino, tinalakay rin sa pulong ang mga paraan upang higit pang mapalakas ang kooperasyon sa pagpapaunlad ng palakasan, kabilang ang pagsasanay ng mga atleta, ugnayan ng mga institusyon, at mga oportunidad para sa Filipinas na magdaos ng mga susunod na panrehiyon at pandaigdigang kompetisyon.
Si Sheik Al Thani ay nagsisilbi rin bilang Pangulo ng Qatar National Olympic Committee.
Ayon sa Presidential Communications Office, ang naturang pagpupulong ay sumasalamin sa matibay na pagtitiwala sa Filipinas bilang isang maaasahang katuwang sa pagsusulong ng kahusayan sa palakasan at kooperasyong panrehiyon. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com