NATUKOY na ng Quezon City Police District (QCPD) ang numero ng plaka ng sasakyang sangkot sa isang insidente ng ‘gas-and-run’ na naganap nitong 3 Mayo 2026 sa isang gasolinahan sa Mindanao Avenue, Barangay Bahay Toro ng nasabing lungsod.
Ayon kay QCPD Director, PGen. Brig. Glenn Randy Silvio, natukoy sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa mga CCTV footage at pakikipagtulungan sa mga kalapit na establisimiyento at barangay, partikular na sa Brgy. Bahay Toro at Brgy. Bagong Pag-asa.
Ang sasakyan ay isang grayish blue Toyota Vios (2023 model) na may plakang CBK 7953.
Lumabas sa karagdagang beripikasyon na ang sasakyan ay binili mula sa Toyota Nueva Ecija at nakarehistro sa ilalim ng Toyota Financial Services Philippines Corporation (TFSPH), at kasalukuyang naka-lease sa isang indibiduwal na kinilala sa alyas na Jherosalyn.
Kaugnay nito, nananawagan ang QCPD sa mga sangkot na kusang makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang linawin ang insidente at maiwasan ang mas mabigat pang kahihinatnan alinsunod sa batas.
Hinihimok ni PBGen. Silvio ang may impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan o kinaroroonan ng mga taong sangkot na mag-ulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, o makipag-ugnayan sa E911 o QC Helpline 122 para sa agarang aksiyon ng pulisya. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com