SA PAMAMAGITAN ng naiwang ‘finger prints’ nakakuha ng panimulang ebidensiya ang Quezon City Police District (QCPD) sa pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek sa pananambang sa negosyanteng ‘Pinoy Bugsy’ at billiard icon na si Perry Mariano nitong 28 Abril sa Quezon City.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Randulph Tuaño, kilala na ang driver ng motorsiklo na ginamit ng mga suspek na inabandona kalaunan sa Sct. Rallos.
Nabatid na nakuha ang ‘finger prints’ sa handle bar ng motorsiklong ginamit sa pananambang kay Mariano, 75 anyos, at sa driver niyang si Norberto Orimaco, 51, sa Timog Ave. malapit sa kanto ng EDSA dakong 3:00 ng hapon nitong 28 Abril.
Tumanggi si Tuaño na ibunyag ang pangalan ng suspek habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mismong gunman.
“Puwede lang namin i-share sa inyo, identified na po ‘yung isa roon sa dalawa,” ani Tuaño.
Patuloy ang follow-up operations ng mga tauhan ng QCPD sa labas ng Metro Manila kung saan pinaniniwalaang nagtatago ang mga suspek.
Sa record ng PNP, nabatid na may mga dating kaso ang isa sa dalawang suspek at subject sa isang arrest warrant.
Tiwala si PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., na matutukoy ang ‘utak’ ng krimen sa kasong ito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com