TINIYAK ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na handa ang senado sa sandaling isumite ang kopya ng Article of Impeachment ng Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Vice President Sara Duterte.
Ngunit agad niyang inilinaw na hindi sila agarang makapagsisimula sa paglilitis.
Tinukoy ni Sotto na tulad ng depinisyon ng Korte Suprema ukol sa salitang ‘forthwith’ ay maaari silang mag-convene agad ngunit kailangan pa ang iba’t ibang preperasyon para pormal na simulan ang paglilitis laban sa bise presidente.
Inamin ni Sotto na kailangan pa niyang padalhan ng tig-iisang kopya ang bawat senador na tatayong mga judge at matapos nito ay kanila pang aabisohan ang magkabilang partido para sa kanilang mga tugon sa notice ng impeachment court.
Sa kabila nito, tiniyak ni Sotto, handa rin ang senado sa mga posibleng maging senaryo.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na hindi siya naghahanda sa paglilitis kay VP Duterte dahil minsan na rin siyang naging senator/judge sa impeachment complaint laban kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Tiniyak ni Senador Imee Marcos na aakyat sa senado ang reklamo laban sa VP.
Aniya, kung dati umano ang panakot ay walang makararating na proyekto sa kani-kanilang mga distrito ngayon naman ay sasampahan sila ng kaso kung hindi susuporta sa reklamo laban sa bise.
Nagsagawa ng kaunting salusalo ang minority group upang talakayin ang iba’t ibang usapin.
Tiwala si Senate Minority Leader Peter Cayetano na susundin ng mga miyembro ng minorya ang lahat ng rules and procedures.
Aniya, guided sila sa minorya lalo na’t maraming abogado sa kanilang grupo.
“So, kung ano ‘yung tama, ano ‘yung rules, anong constitution, anong batas, susundin namin,” pagtitiyak ni Cayetano. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com