NATAGPUAN ng mga awtoridad ang isang inabandonang sasakyan malapit sa NLEX exit sa Brgy. Tibag, patungo sa bayan ng Pulilan, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Sa ulat mula kay PLt.Colonel Eric C. Cister, acting chief of police ng Pulilan Municipal Police Station (MPS), ang natagpuang sasakyan ay pinaghihinalaang may kaugnayan sa isang insidente ng robbery na naganap sa karatig na munisipalidad.
Batay sa natanggap na impormasyon, ang naturang sasakyan ay huling namataang bumabaybay pahilaga sa kahabaan ng NLEX.
Agad namang nagsagawa ng dragnet operation ang Pulilan MPS dahilan sa mabilis na pagkakadiskubre ng sasakyan na iniwan sa nasabing lugar.
Kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang sasakyan sa pakikipag-ugnayan sa Bulacan PPO, Tactical Command Center, kasama ang Bulacan Forensic Unit at Explosive Ordnance/K9 Unit, upang mangalap ng mga ebidensya na makakatulong sa pagtukoy sa mga sangkot sa insidente.
Ipinapakita ng pangyayaring ito ang maagap at epektibong pagtugon ng kapulisan sa anumang ulat na may kaugnayan sa kriminalidad.
Patuloy ang pinaigting na operasyon, police visibility, at koordinasyon sa iba’t ibang yunit upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa pamayanan.
Hinihikayat ng kapulisan ang publiko na manatiling mapagmatyag at makiisa sa pagpapanatili ng isang ligtas at mapayapang komunidad. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com