ISANG nakalilitong krimen ang naganap sa lalawigan ng Rizal na itinalang pagnanakaw ngunit kaduda-duda ang mga sirkumstansiya.
Batay sa ulat ng Rodriguez MPS, nabigo ang isang kawatan na makapagnakaw sa loob ng pinasok na bahay dahil nagising ang may-ari habang kanyang sinasakal.
Naganap ito sa Barangay San Isidro, bayan ng Rodriguez, lalawigan ng Rizal, nitong Lunes, 20 Abril.
Dagdag na ulat ng Rodriguez MPS, tulog ang babaeng biktima sa loob ng kaniyang bahay ngunit nagising dahil sinasakal siya ng suspek dakong 3:30 ng madaling araw.
Nanlaban ang biktima na nauwi sa pakikipagbuno sa suspek na kinilalang si alyas Harley.
Nagpatuloy ang pagpapambuno ng dalawa hanggang sumigaw ang biktima upang humingi ng saklolo kaya napilitang tumakas ang suspek.
Napansin ng biktima na nahulog ang ninakaw na cellphone mula sa bulsa ng short pants ng suspek sa gitna ng kaniyang pagtakas.
Noon din niya nakita na nakakalat ang kaniyang mga kagamitan sa loob ng bahay.
Natuklasan ng biktima na nakapasok ang suspek sa kaniyang bahay nang puwersahang sirain ang bakal na gate.
Agad niyang iniulat sa pulisya ang insidente na nagkasa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Katanungan pa rin, kung pagnanakaw ang layunin ng suspek, bakit kailangan niyang sakalin ang natutulog na biktima?
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Rodriguez MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com