HATAW News Team
NAKULONG sa loob ng kanilang bahay, patay ang
anim katao sa nasusunog na dalawang magkatabing bahay sa Urdaneta City, Pangasinan nitong Lunes, 20 Abril 2026.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Urdaneta City, ang mga biktima ay kinabibilangan ng dalawang 11-anyos nene, dalawa pang babae na edad 72 at 59 anyos, at dalawang lalaki edad 45 at 42 anyos.
Nabatid na ang nasunog na mga bahay ay pag-aari ng isang ginang na nakabase sa Hawaii sa Estados Unidos na minamantina ng isang caretaker at ang isa ay pag-aari ng isang 63-anyos lolo.
Nagsimula ang sunog dakong 2:00 ng madaling araw sa isa sa tahanan ng mga biktima.
Isang 36-anyos babae ang sinabing nagising at nang bumaba sa hagdanan mula sa ikalawang palapag ay malakas na ang usok at apoy na nagmumula sa kusina kaya sa matinding pagkataranta ay nagtatakbong lumabas ng kanilang tahanan.
Nagresponde ang mga bombero at naapula ang sunog dakong 4:49 ng madaling araw.
Natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa isinagawang mopping-up operations ng mga bombero.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at sinusuri kung ano ang sanhi ng sunog at kasalukuyan pang tinataya ang pinsala.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com