PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
LAST Sunday, April 27 ay muling nagkasama sina Supremo Senador Lito Lapid at direk Coco Martinsa isinagawang motorcade sa ilang palengke sa Quezon City.
Kitang-kita talaga ang suporta ni Coco sa itinuturing din niyang ‘tatay’ dahil kahit na noong ‘mapatay’ ang karakter ni Supremo sa Batang Quiapo, lagi itong nagbibigay ng oras sa mga gayang activity.
“Nakatataba ng puso ang mainit na pagsalubong at pagyakap sa akin ng mga kababayan natin dito sa Quezon City. Ang pagmamahal at suporta nila ay susuklian ko ng tapat at malinis na paglilingkod,” ayon kay Lapid.
Sa isang panayam, nangako si Lapid na uunahin ang pagkakaloob ng libreng mga gamot at libreng ospital sa mga mahihirap na senior citizen kapag nanalo sa midterm elections sa May 12.
Dagdag ni Lapid, marapat lang na mabigyan ng kaginhawaan ang mga senior citizen na matagal nang nagserbisyo sa lipunan. Si Lapid ay isa sa mga may akda ng Expanded Senior Citizens Law o Republic Act No. 10645 na nagbibigay ng mandatory membership sa PHILHEALTH ng mga senior citizen. Layunin ng batas na ito na masakop ang mga lolo at lola ng Philhealth pagdating sa edad na 60.