ITINULAK ni Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Rolando Macasaet ang pagiging miyembro sa SSS ng mga kapitan at kagawad na naglilingkod sa 42,000 barangays sa buong bansa.
Nakipag-usap si Macasaet sa mga opisyal ng barangay na dumalo sa Liga ng Mga Barangay National Congress noong 13 Agosto sa World Trade Center, sa lungsod ng Pasay, upang hikayatin silang maging miyembro ng SSS at tumanggap ng panghabambuhay na buwanang pensiyon kapag sila ay nagretiro sa serbisyo publiko.
“Marami sa ating mga opisyal at manggagawa sa barangay ang naglilingkod sa kanilang mga nasasakupan sa loob ng 10 o 20 taon. Gayonman, kapag sila ay nagretiro sa serbisyo publiko, hindi sila nakakukuha ng separation pay o buwanang pensiyon. Ngayon, sa pamamagitan ng SSS membership, we are offering you an opportunity to get a monthly pension when you retire from being a barangay official,” pahayag ni Macasaet.
Panawagan ni Macasaet, kumuha ng SS number at simulan ang pagbabayad ng kanilang buwanang kontribusyon upang awtomatiko silang makakuha ng social security coverage mula sa SSS.
Hinimok niya ang mga opisyal ng barangay na magbayad nang hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon sa SSS upang makatanggap ng panghabambuhay na buwanang pensiyon kapag sila ay nagretiro na.
“Kahit paulit-ulit mong binabayaran ang iyong monthly SSS contributions, ayos lang. Kung patuloy kang magbabayad hanggang umabot ka nang hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon ay magkakaroon ka ng pensiyon habang buhay,” paliwanag niya.
Sinabi ni Macasaet, dapat nilang isaalang-alang ang pag-aambag sa SSS bilang puhunan sa kanilang kinabukasan.
Aniya, “Bukod sa mga benepisyo sa pagreretiro, ikaw ay may karapatan sa pagkakasakit, maternity, kapansanan, kawalan ng trabaho, libing, at mga benepisyo sa kamatayan.”
Idinagdag ni Macasaet na maaari rin nilang samantalahin ang iba’t ibang mga programa sa pautang ng SSS, tulad ng suweldo at kalamidad, at makakuha ng karagdagang coverage mula sa Employees’ Compensation (EC) Program para sa work-related sickness o injury na nagreresulta sa kapansanan o kamatayan.
Magna Carta para sa mga opisyal ng barangay
Isinusulong ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagpasa ng Magna Carta para sa mga opisyal ng barangay sa House of Representatives na magbibigay kapangyarihan sa local government units (LGUs) na maglaan ng pondo para sa mga kontribusyon ng SSS ng mga opisyal ng barangay.
Nangako si Romualdez na tutulungan ang mga barangay officials na maging miyembro ng SSS nang walang bayad sa kanila.
Pinuri ni Macasaet sina House Speaker Romualdez at Isabela 6th District Representative Faustino Dy sa paghahain ng panukalang batas na magbibigay-daan sa mga LGU na sakupin ang buwanang kontribusyon sa SSS ng mga opisyal ng barangay para makatanggap sila ng panghabambuhay na pensiyon.
“Itong hakbang na ito ay nagpapakita kung gaano kalaki ang pagmamalasakit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa mga pinuno ng barangay ng bansa,” ani Macasaet.
Bukod dito, pinasalamatan ni Macasaet si Liga ng mga Barangay National President Maria Katrina Jessica Dy sa pagpayag sa SSS na ipaliwanag ang halaga ng social security coverage sa mga opisyal ng barangay.
E-Service inilapit ng SSS sa mga opisyal ng barangay
Sinabi ni SSS Executive Vice President for Branch Operations Sector Voltaire Agas na naglagak ang SSS ng 50 laptop na pinamamahalaan ng mga tauhan ng SSS, na tumulong sa mga opisyal ng barangay sa pagkuha ng kanilang mga SS number.
Aniya, dinala ng SSS ang kanilang Starlink at PLDT internet kits upang matiyak ang walang-hintong pagbibigay ng serbisyo sa mga dadalo sa kaganapan.
“Naglagay kami ng SSS booth sa National Congress para tulungan ang mga barangay officials sa kanilang mga transaksiyon sa SSS tulad ng pag-apply para sa SS at employer number o pag-verify ng kanilang kontribusyon o loan records,” ani Agas.
Sinabi ni Agas na ang mga opisyal ng barangay ay nagsagawa rin ng mga online na serbisyo tulad ng paggawa o pag-reset ng kanilang My.SSS account, pag-update ng miyembro at mga detalye ng contact, pagbuo ng Payment Reference Number (PRN), pag-enrol sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM), at pag-file ng mga claim sa benepisyo at mga aplikasyon ng pautang. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com