This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
HINIHINALANG selos ang dahilan ng pagbibigti ng isang Koreano makaraang mabasa ang text message ng kaibigan ng kinakasama niyang Filipina nitong Linggo ng hapon sa condominium unit sa Pasay City.
Kinilala ang biktimang si Kim Cheolgyu, 42, negosyante, may Korean passport number MO4497966, pansamantalang naninirahan sa 1201 Tower C, Antel Seaview Tower Cond., Roxas Blvd., Pasay City.
Base sa ulat nina PO2 Joel Landicho at PO2 Ricardo Mallong Jr., kinompronta ng biktima ang kanyang kinakasama na si Analyn Petaca, 29, tubong Brgy. Bugtong Silag, Mangatarem, Pangasinan, nang mabasa ang mensahe sa text ng kaibigang Koreano na si Bob Chin, sa kinakasamang Filipina.
Ayon sa salaysay ni Petaca sa pulisya, nagselos ang biktima kaya’t agad siyang nagpasyang tapusin na ang kanilang relasyon at dalhin na ang kanyang mga gamit.
Bandang 5 a.m. nitong Biyernes nang lisanin ni Petaca ang lugar at umuwi sa Pangasinan. Nang dumating sa probinsiya, agad tinawagan ng babae ang kinakasamang Koreano gamit ang phone ng kapatid na lalaki ngunit hindi niya ma-contact.
Nitong Linggo ay nagpasyang bumalik sa condo si Petaca ngunit nadatnang umaalingasaw na ang bangkay ng biktimang nakabigti.
May suicide note na iniwan ang biktima na sulat Koreano, na dadalhin sa embahada ng Korea upang isalin sa Ingles.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung may naganap na foul play sa insidente.