Utang sa shabu ‘di binayaran, tulak itinumba

BINARIL hanggang mapatay ang isang tulak ng shabu ng kapwa niya drug pusher kahapon ng madaling-araw sa Meycauayan City, Bulacan.

Isang tama ng bala sa noo na tumagos sa likod ang tumapos sa buhay ni Zend Rick Calma, 29, habang pinaghahanap ng mga pulis ang tumakas na suspek na si Parah ‘Bukol’ Pangkuga Ajinoor, kapwa residente ng Northville 3, Brgy. Bayugo sa nasabing bayan. 

Sa ulat mula sa Meycauayan Police, dakong 4 a.m. nang lapitan ng suspek ang biktima sa terminal ng tricyle at binaril sa noo habang papalapit sa kanyang kapatid na si Felipe Calma. 

Ayon sa pulisya, inamin ng kapatid ng biktima na nagtutulak ng shabu ang kanyang kuya at may malaking halaga ng pagkakautang sa suspek.