This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PATAY ang isang traffic enforcer ng Quezon City Department of Public Order (DPOS) nang barilin sa ulo ng isang security guard makaraang magtalo nang hatakin ang nakahambalang na motorsiklo ng suspek sa isinasagawang clearing operation kahapon ng umaga sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay Supt. Christian Dela Cruz, hepe ng Quezon City Police District, Masambong Police Station 2, kinilala ang biktimang si Enrique Presnido, 60, ng Brgy. Toro Hills, Proj. 6, Quezon City, binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Quezon City General Hospital.
Habang agad naaresto ng mga tauhan ng Masambong Police ang suspek na si Alex Batacan, 39, security guard, nakatalaga sa BDO sa West Avenue Branch, tubong Cagayan, at naninirahan sa 39 Sauyo Road, Novaliches, Quezon City.
Sa report ni SPO3 Alex Ada, dakong 7:30 a.m. habang nagsasagawa ng clearing operation ang DPOS, Highway Patrol Group (HPG) at Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kanto ng EDSA at West Avenue, ipinahatak at ipinatiketan ni Presnido ang motorsiklo ni Batacan na nakahambalang sa bangketa sa harapan ng bankong kanyang binabantayan.
Nauwi sa pagtatalo ng dalawa ang insidente kaya nang mapikon ang sekyu ay binunot niya ang kanyang service firearm na kalibre .38 at pinaputukan sa ulo ang traffic enforcer.
Nakapiit na ang suspek sa Masambong Police Station.