This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
“PASALAMAT na lamang ako, hindi ako binaril ng mga walanghiya.”
Ito ang nanginginig na pahayag ng isang driver makaraan holdapin at tangayin ang minamanehong taxi ng dalawang pasaherong holdaper kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Kinilala ang biktimang si Renato Torion, 39, residente ng 258 Dulong Hernandez St., Brgy. Catmon Malabon City, driver ng EMP taxi (UVD-578).
Batay sa ulat ni SPO2 Joselito Barredo, dakong 3:20 a.m. nang parahin ang biktima ng dalawang suspek sa Pedro Gil, Maynila at nagpapahatid sa Caloocan City.
Pagsapit sa Sampalukan St., Brgy. 24 ng lungsod, biglang naglabas ng baril ang katabi ng driver sa front seat at nagdeklara ng holdap.
Bunsod ng pangamba, hindi na pumalag ang biktima nang sapilitang kunin ng mga suspek ang kinita niyang P3,900, at isang bagong cellphone.
Pagkaraan ay binuksan ng mga suspek ang pintuan ng taxi at pilit siyang pinatatalon ngunit dahil mabilis ang takbo ay hindi niya nagawa kaya tinadyakan siya palabas.
Kahit paika-ika ay nagtungo ang biktima sa himpilan ng pulisya upang i-report ang insidente.