Palasyo kombinsidong napatay si Marwan

MarwanNANINDIGAN ang Malacañang na namatay sa enkwentro ng PNP-Special Action Force at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Una rito, sinabi ni Moro National Liberation Front (MNLF) spokesman Attorney Emmanuel Fontanilla, batay sa kanilang impormasyon ay buhay si Marwan na noo’y nasa Lanao del Sur at wala sa Mamasapano, Maguindanao kung saan naganap ang enkwentro.

Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, taliwas ang paniwala ni Fontanilla sa batid ng pamahalaan.

Nitong Lunes, inihayag ng pamahalaan na na-neutralize nila si Marwan.

“Taliwas ‘yung paniwala niya sa batid ng pamahalaan,” ani Coloma.

Samantala, tahimik ang Malacañang sa katanungan kung may basbas ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na pangunahan ni suspended PNP chief Alan Purisima ang law enforcement operation laban kay Marwan.