MAINGAY na maingay ang buong bansa dahil sa pagdating ni Papa Francisco. Kabi-kabila ang mga komentaryo sa telebisyon, radyo at mga pahayagan. Pati na ang mga pondohang bayan ay aligaga dahil sa makasaysayang pangyayari na ito. Tiyak na maraming sasabihin ang Papa na pag-uusapan nang marami sa hinaharap… marami ring photo opportunities para sa mga litratista. Bukod rito, tiyak rin na malalagay na naman sa mga pahayagan at maitatala sa kasaysayan ng mundo ang ating bansa dahil sa ating sobrang init na pagtanggap sa Papa. Gayon man ako ay may dalawang bagay na ibig ipunto sa pagkakataong ito. Una – sa ating pakikinig sa Papa dapat nating limiin ang lahat ng kanyang sinasabi at hindi lamang ‘yung maganda sa ating pandinig. Natural sa atin na ang ating pinakikinggan ay ‘yung musika sa ating pandinig… ‘yun lamang maganda, subalit ang Papang ito ay kakaiba. May mga mensahe siya na hindi kaaya-aya sa ating tenga subalit may hatid na malalim na aral tulad na lamang ng kanyang pagtuligsa sa kasalukuyang siste ng kapitalismo. Marami ang balisa sa pagpunang ito ng kapitalismo ni Papa Francisco. Pangalawa – tayo ay kaiingat sapagkat pagkatapos ng lahat ng ito… lahat ng ingay ay tiyak na marami naman ang magbibigay ng interpetasyon kung ano talaga ang mensahe ng Papa. Maraming magmamagaling at magsasabi sa atin kung ano ang ibig sabihin ng Papa sa kanyang mga ginawa at sinabi habang siya andito sa ating bansa. Kadalasan ang problema ay ang dami ng iba’t ibang interpretasyon kaya’t kaiingat kato sa inyong paniniwalaan.