This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
LEGAZPI CITY – Suicide ang isa sa tinitingnang mga anggulo ng mga awtoridad sa pagsabog ng dinamita sa lalawigan ng Catanduanes kamakalawa.
Kinilala ang mga biktimang si Jason Icaranom, 42, napag-alamang binawian na ng buhay, live-in partner niyang si Geneva Barro, 17, at ang kanilang 2 buwan gulang na si Genson Jing Barro, kapwa kritikal ang kalagayan sa ospital.
Ayon kay Insp. Darwin Sevilla, OIC ng Pandan Municipal Police Station, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na sinadya ng padre de pamilya ng mag-anak na pasabugin ang dalang improvised explosive device.
Napag-alaman, binawi si Barro ng kanyang mga magulang mula kay Icaranom dahil hindi kayang buhayin ang kanilang anak.
Si Icaranom ay dating mangingisda ngunit ngayon ay hindi na makapagtrabaho nang maparalisa.
Sa imbestigasyon ng PNP, napag-alaman na tumungo ang suspek sa bahay ng mga magulang ni Barro sa Brgy. San Andres upang bawiin ang kanyang mag-ina ngunit makalipas ang ilang sandali ay bigla na lamang narinig ang malakas na pagsabog mula sa nasabing bahay.