This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
MULING nakakompiska ng logbook na naglalaman ng transaksyon sa bawal na droga ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang raid kahapon sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, ang paghalughog ng NBP ay madalas nang ginagawa makaraan ang malaking raid na isinagawa noong Disyembre 15, 2014.
Ang pagsalakay na halos araw-araw na kung gawin ay ipinatutupad ng Bureau of Corrections, NBI, PNP, PDEA at Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Habang kinompirma ni NBI Director Virgilio Mendez, hawak na nila ang nakompiskang logbook, ledger at listahan mula sa NBP at ito ay kanila nang iniimbestigahan.
Ang naka-aalarma aniya, lumilitaw sa impormasyon sa logbook na may mga transaksyon na umabot ng Enero 7 bagama’t malimit na ang isinasagawang raid at mainit ang mata ng mga awtoridad sa NBP.
Dahil dito, naniniwala si Mendez na posibleng hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang transaksyon ng illegal na droga sa loob ng Bilibid.