Checkpoint guidelines: Alamin ang inyong Karapatan
Joey Venancio
January 13, 2016
Opinion
UPANG hindi na tayo magmistulang sirang plaka sa pagpapaliwanag nang paulit-ulit tungkol sa PNP-Comelec Checkpoint, minabuti kong ipablis sa kolum na ito ang ‘Checkpoint Guidelines’.
Narito ang inyong mga karapatan:
-
Ang checkpoints ay dapat nasa maliwanag na lugar, maayos na nakikilala at isinasagawa ng mga nakaunipormeng alagad ng batas.
-
Sa paglapit, bagalan ang iyong sasakyan, hinaan ang ilaw sa unahan at buksan ang ilaw sa loob.
-
Huwag lumabas ng iyong sasakyan.
-
I-lock ang lahat ng pintuan ng iyong sasakyan habang ini-inspection dahil visual search lamang ang pinapayagan.
-
Huwag pumayag magpakapkap sa katawan (physical o body search).
-
Ang motorista ay hindi kailangang buksan ang kanilang glove compartment, trunk o bags.
-
Maging magalang sa pagsagot kapag tinanong, igiit ang inyong karapatan, dapat kayo’y nasa presence of mind at ‘wag magpanik.
-
Ihanda lamang ang inyong driver’s license at car registration (para maipakita sakaling hanapin).
-
Maging handa sa paggamit ng mobile phones (cell phones) sa anumang oras, speed dial emergency numbers.
Ganito rin ang guidelines kahit sa checkpoint sa mga motorsiklo.
Pero mayroon ding mga bagay na ikinokonsidera rito. Tulad ng hot pursuit operations. Kung naka-tip o naka-timbre ang inyong sasakyan na gamit ng mga kriminal o may kargang mga ilegal, ito’y kailangan sumailalim sa searching.
‘Yan po ang ating (motorista) mga karapatan pagdaan sa PNP o AFP checkpoints!
Daming tulak sa Brgy. RSB, La Carlota City
Sir Joey, report ko po na dito sa aming Brgy. RSB, La Carlota City ay talamak masyado ang bentahan ng shabu. Ang mga kilalang tulak dito ay sina Ritchie, Roderick, Lenien, Ryan at marami pa. Sana maaksiyunan agad ito nina Brgy, Captain Aries Mayor Ferrer at ng hepe ng pulis dito sa lungsod. – Concerned citizen
Nagkalat mga adik at tulak sa Purok 2 Kalapati, Olongapo
Mga perwisyong adik sa Purok 2, Kalapati, Olongapo naglalabasan kapag madaling araw. Walang ginagawa ang mga pulis kahit ang barangay. Dito po sila mismo sa may basketball court, mismo sa tabi ng barangay nag-aabutan ng shabu. – Concerned senior citizen
Mga dapat hinuhuli ng DSWD-Manila
Sir Joey, good am po. Tanong lang po namin: Bakit madalas kami hinuhuli na mga tambay ng DSWD Rock dito sa Plaza Lawton Post Office, tapos pakakawalan din kami tapos malista ang pangalan namin? Sana ang hinuhuli nila eh yung mga magnanakaw, holdaper at yung mga pusher dito sa Lawton Plaza tulad nitong si alyas Kabayo na isang adik at tulak ng shabu. At marami po tambay rito na mga adik bandang 12:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga. Dami rin dito mga tambay na holdaper at magnanakaw. Dapat ito ang pinaghuhuli nila. – Concerned citizen
Para hindi kayo madamay sa panghuhuli ng DSWD-Manila, huwag na kayong tumambay diyan sa Lawton Plaza kung wala rin lang kayong ginagawa dyan.
Mga video karera at fruit games ni Kagawad sa Brgy. 200, Tondo
Sir Joey, report ko po dito sa Brgy. 200 Hermosa, Pilar, Tondo, Manila, nagkalat po ang fruit games at video karera ni Kagawad “PA”. Yung mga anak namin hindi makita kapag hinahanap namin, nandun pala sa mga devil machines nya. Hindi po kayang hulihin ng taga-7 (MPD). Palagi niyang pinagmamalaki may timbre daw po sya. Opisyal pa naman sya ng barangay. Nagkamali kami sa pagpili sa kanya. Sana po maaksiyunan at ipahuli ito sa ibang unit ng pulis. – Concerned citizen
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015