INILUNSAD ng ABS-CBN kahapon ang isang multi-channel network na Chicken Pork Adobo para pagsama-samahin ang iba’t ibang personalidad na may kakaiba, nakaaaliw, at orihinal na materyal na tinatangkilik ng dumaraming Filipinong nanonood ng videos online.
“Ang ’Chicken Pork Adobo’ ang channel na puwedeng sumikat at bumida ang iba’t ibang creators na maaaring walang pagkakataong lumabas sa TV. Sasanayin ng ‘Chicken Pork Adobo’ ang creators na ito para matulungan silang gumawa at mag-produce ng mga materyal at videos na mapapanood online. Gusto naming ipakita ang talento ng Pinoy hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo,” ani Donald Lim, head ng ABS-CBN Digital Media Division.
Sa ngayon, mayroon ng 90 creators ang Chicken Pork Adobo na may kanya-kanyang YouTube channels na sakop ang iba’t ibang tema o paksa: toys, fashion, comedy, music, lifestyle, vlogs, entertainment, arts and crafts, food, parenting, at inspirational.
Parami na ng parami ang mga Filipinong gumagamit ng Internet, ayon sa mid-year 2014 data mula sa Internet and Mobile Marketing Association of the Philippines (IMMAP). Anito, 38 milyong Filipino ang gumagamit ng Internet, at halos 67% sa kanila ay wala pang 30-anyos.
Ayon kay Lim, maaaring hindi lang TV ang paraan para maabot ng ABS-CBN ang mga manonood nito. Aniya, layunin ng Chicken Pork Adobo na tulungan ang creators na gumawa ng marka sa Internet at tulungan silang maging superstars sa kahit anumang paraan.
“May iba-iba silang mga manonood, personalidad, at materyal na hindi mailalabas sa TV, pero sa Youtube marami silang fans, sikat sila, nakabibilib, nakaaaliw,”sambit pa ni Lim.
Isa sa creators ng Chicken Pork Adobo ay ang aktres na si Melissa Ricks, na kamakailan ay nagbukas ng kanyang sariling YouTube channel para ibahagi ang mga karanasan sa pagiging ina.
Kabilang din sa multi-channel network ang It’s Showtimehost na si Eric “Eruption” Tai na nagpapakitang gilas sa pagsayaw sa pamamagitan ng kanyang in-upload na videos.
Ngunit hindi lang celebrities ang bahagi ng Chicken Pork Adobo, dahil kasama rin dito ang YouTubers na mayroon ng sariling fans online o kilala sa kanilang nakaaaliw na videos.
Sa ngayon, Kids’ Toys ang may pinakamaraming subscribers at views sa lahat ng channels sa ilalim ngChicken Pork Adobo. Bida rito ang magkapatid na Faye atLaurice Tendilla na nagbubukas ng mga bagong laruan sa kanilang videos. Inilunsad ito noong May 2012 at ngayon ay mayroon ng 1.14 milyong subscribers at halos 1.5 billion na views.
Bahagi rin ng Chicken Pork Adobo’s ang creators na sinaLloyd Cadena, isang sikat na YouTuber na naging popular dahil sa nakatatawang videos tungkol sa pag-ibig, eskuwelahan, at parody videos; The Soshal Network, na pinagbibidahan ng tatlong abogadong may nakaaaliw na komentaryo; at ang Plump Pinay ni Cai Cortez na itinataguyod ang pagiging komportable sa sariling katawan.
Ayon naman sa head of ABS-CBN Digital Media Services na si Dennis Lim, naghahanap ang Chicken Pork Adobong creators na may orihinal, nakaaaliw, o kakaibang materyal na maaaring ibahagi online.
“Ang batayan lang namin sa paghahanap ng creators ay kailangang passionate sila. Mahalaga sa aming passionate sila dahil mahirap maglabas ng bagong content. Dapat gusto nila ang ginagawa nila,” aniya.
Ang mga interesadong sumali sa Chicken Pork Adobo ay maaaring mag-email sa [email protected]. Para sa updates, bisitahin ang “Chicken Pork Adobo Network” sa Facebook at chickenporkadobo.net.