TODO na pati pato’t panabla ang magiging diskarte ng Rain Or Shine at Talk N Text sa kanilang huling pagkikita sa Game Seven ng PBA Commissioners cup finals mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Naitabla ng Rain Or Shine ang best-of-seven serye sa 3-all matapos na magwagi sa Game Six, 101-93 nong Linggo. Ang Elasto Painters ay nanaig din sa Game Two (116-108) at Game Three (109-97).
Nanalo naman ang Tropang Texters sa Game One (99-92), Game Four (99-92) at Game Five 9103-94).
Kung magwawagi ang Rain or Shine mamaya ay maiuuwi ito ang ikalawang kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa. Kung mananalo ang Talk N text ay makukuha nito ang ikapitong korona nito.
Binulaga muli ng Talk N Text ang Rain or Shine at lumamang 8-0 sa umpisa ng Game Six, Pero nakabawi kaagad ang Elasto Painters sa pamamagitan ng magandang depensa upang makuha ang first quarter, 23-18. Umangat pa sa 54-42 ang abante ng Elasto Painters sa halftime.
Nagbida para sa Rain or Shine sina Wayne Chism at Raymond Almazan na kapwa gumawa ng tig-18 puntos. Bukod dito, si Chism, na best Import ng conference, ay nagtala ng 24 rebounds, dalawang assists, dalawang blocked shots at isang steal. Nagdagdag ng 10 rebounds si Almazan.
Ipinagpag naman ni Paul Lee ang sprained angkle at nagtapos nang may 16 puntos, limang assists, tatlong steals, dalawang rebounds at isang blocked shot sa 32 minuto. Si Jeff Chan, na hindi sana lalaro sa serye bunga ng plantar fasciitis injury, ay gumawa ng 11 puntos sa 11 minuto. Isa ang Elasto Painter, ang rookie na si Jericho Cruz, ay nagtapos nang may 10 untos.
Dahil sa depensa ng Rain Or Shine, si TNT import Ivan Johnson ay nalimita sa anim na puntos buhat sa 2-of-9 field goal shooting sa 32 minuto.
Sa kabuuan ay nalimita ng Rain Or Shine ang Talk N Text sa 32-sa-80 field goal shooting para sa 40 percent na ikalawang pinakamababang output ng Tropang Texters sa serye.
“We hope we can sustain the same defensive intensity in Game Seven in order to win the title,” ani RoS coach Joseller “Yeng’ Guiao.
(SABRINA PASCUA)