PSC, pinalalakas ang ugnayan sa foreign coaches, NSA

PSC Pato Gregorio NSA

PINAGTUUNAN ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagpapahusay ng programa at suporta sa pambansang atleta sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo sa mga foreign coaches at opisyal ng National Sports Sssociations (NSAs) sa isinagawang Performance Review Forum nitong Huwebes sa PSC House sa Rizal Memorial Sports Complex, Maynila.

Pinangunahan ni PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio, kasama ang mga commissioner na sina Olivia “Bong” Coo, Walter Torres, Edward Hayco at Fritz Gaston, ang pagpupulong na naglalayong busisiin ang mga nagawa, kasalukuyang proyekto at mga planong pangkaunlaran ng bawat sports association.

Naging pagkakataon din ang forum upang maipahayag ng mga coach at opisyal ang kanilang mga pangangailangan at suhestiyon para mas mapabuti ang koordinasyon at pagtutulungan sa pagitan ng PSC at mga NSA.

Inilahad din ni Gregorio ang mga pangunahing proyekto ng komisyon para sa 2027, kabilang ang pagtatayo ng mga bagong regional training center, rehabilitasyon ng mga pasilidad na pag-aari ng PSC at pagho-host ng mga international sporting event.

Kabilang sa mga pasilidad na isasailalim sa rehabilitasyon ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, Philsports Complex sa Pasig City at Teachers Camp sa Baguio City.

Ayon kay Gregorio, mahalagang magkaroon ng bukas na komunikasyon upang matiyak na nagtutugma ang mga programa, inaasahan at pangangailangan ng PSC at mga NSA.

Hiniling din niya sa mga foreign coaches at pinuno ng mga NSA na tumulong sa pagpapalawak ng regional training centers sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Layunin ng hakbang na mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang atleta sa mga probinsiya na malinang ang kanilang talento sa sariling rehiyon sa halip na kailangang lumuwas pa sa Maynila.

Iginiit ng PSC chief na dapat itayo ang mga training center sa mga lugar kung saan may potensiyal at lakas ang mga lokal na atleta sa partikular na sports, upang mas mapalawak ang paghahanap at paghubog ng mga susunod na pambansang kinatawan. (PSC/HNT)