MAS pinalawak pa ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga lokal na atleta matapos pormal na ilunsad ang kauna-unahang Men’s Division na sisimulan sa Nobyembre 21.
Ipinakilala ang bagong dibisyon sa isinagawang Media Day at Press Conference sa Gloria Maris, Greenhills, kung saan kinumpirma ang pitong koponang maghaharap para sa inaugural championship.
Magpapakitang-gilas ang mga koponan ng San Pedro City, Pasay City, Biñan City-Tatak Gel, Sta. Rosa City, Marikina City, Dasmariñas City at Imus City.
Sa Colegio San Agustin Gym sa Biñan, Laguna idaraos ang unang araw ng kompetisyon sa pamamagitan ng double-header. Unang magtatapat ang San Pedro City at Pasay City sa ganap na alas-3 ng hapon, bago ang sagupaan ng Biñan City at Sta. Rosa City.
Home-and-away format ang gagamitin sa torneo upang mabigyan ng pagkakataon ang mga koponan na maglaro sa kani-kanilang mga lugar at mas mailapit ang aksiyon sa mga tagasuporta.
Isa sa pangunahing patakaran ng liga ang pagpapahalaga sa sariling talento ng bawat lungsod. Inaatasan ang bawat koponan na magkaroon ng hindi bababa sa 12 homegrown players sa kanilang opisyal na roster.
Ayon kina MPVA President Emerson Oreta at Director Dr. Ian Laurel, bahagi ng pagsusulong sa Men’s Division ang hangarin ni league founder Manny Pacquiao na magkaroon ng mas malawak na espasyo ang mga lalaking volleyball player upang maipakita ang kanilang kakayahan.
Makakatuwang din sa unang season ang Strong Group Athletics sa pangunguna nina Frank Lao at Jacob Lao.
Binigyang-diin ni Laurel na higit pa sa paghahabol ng titulo ang layunin ng liga dahil nais nitong palakasin ang suporta ng mga komunidad sa kanilang mga lokal na atleta.
Sa pagbubukas ng Men’s Division, inaasahang mas marami pang volleyball talents mula sa iba’t ibang lungsod ang mabibigyan ng pagkakataong makilala at makasabay sa mas mataas na antas ng kompetisyon. (MPVA/HNT)
#MPVA2026 #AngLigaParaSaLahat #MPVAMensDivision
