Pinakamagandang YOG campaign ng Pilipinas sa Dakar, ipinagmalaki ni Tolentino

POC Bambol Tolentino

DAKAR, SENEGAL — Nagtala ng pinakamagandang kampanya ang Pilipinas sa kasaysayan ng Youth Olympic Games (YOG) matapos makasungkit ng dalawang silver medal sa katatapos na ikaapat na edisyon ng palaro sa Dakar, Senegal.

Pinangunahan nina Naomi Marjorie Caesar at Pi Durden Wangkay ang makasaysayang kampanya ng bansa matapos kapwa mag-uwi ng pilak sa athletics sa 14-araw na kompetisyon na nagtapos nitong Biyernes sa Youth Olympic Village sa Diamniadio.

Para kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, patunay ang dalawang medalya sa pag-unlad ng mga batang atletang Pilipino at dapat magsilbing inspirasyon upang lalo pang palakasin ang grassroots sports program sa bansa.

“Pinakamagandang performance natin ang dalawang medalya. Mataas ang antas ng kompetisyon sa YOG dahil ang mga kabataang atleta mula sa malalakas na bansa ay halos kapantay na ng kanilang mga elite athlete,” pahayag ni Tolentino.

Siyam na atletang Pilipino ang ipinadala ng bansa sa Dakar upang makipagsabayan sa anim na sports, sa unang pagkakataong isang bansa sa Africa ang nag-host ng Olympic competition.

Gayunman, aminado si Tolentino na malaki ang lamang ng ilang karibal sa pisikal na aspeto at kahandaan dahil sa mas malawak na pagsasanay at suporta mula sa kanilang mga programa.

“Malinaw na mahalaga ang laki ng pangangatawan sa YOG. Mas malalaki, mas malalakas at mas mabilis ang ilan sa mga nakalaban ng ating mga atleta,” aniya.

Dahil dito, iginiit ng POC chief ang pangangailangan ng mas malawak at mas matibay na grassroots development program, kabilang ang pagtuklas ng mga atletang may dugong Pilipino sa ibang bansa na maaaring makatulong sa pambansang koponan.

Isa rin sa inaasahang magiging tulay ng mga batang atleta patungo sa mas mataas na antas ng kompetisyon ang Southeast Asian Games Youth Plus, na unang gaganapin sa Pilipinas sa Disyembre 2 hanggang 14, 2027.

Lalahukan ito ng mga atletang edad 16 pababa mula sa Southeast Asia, Asia at Oceania sa 23 sports, na idaraos sa Manila, Pasig, Tagaytay at Subic.

Ayon kay Tolentino, magsisilbing daan ang SEAG Youth Plus patungo sa Asian Youth Games at kalaunan ay sa Youth Olympic Games.

Samantala, nagtapos sa ikaanim na puwesto si Jade Justine Justiniane sa men’s windsurfing upang kumpletuhin ang kampanya ng Team Philippines na sinuportahan ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Chairman Patrick “Pato” Gregorio.

Hindi na naidaos ang ika-15 at huling karera sa men’s at women’s windsurfing dahil sa kawalan ng hangin sa Saly Beach West noong Huwebes.

Umaasa sanang makahabol si Justiniane sa huling karera ngunit napilitan ang mga organizer na kanselahin ito dahil sa kondisyon ng panahon.

Sa kabila nito, itinuring ng 16-anyos na atleta mula Anilao, Batangas na isang pangarap na natupad ang makasali sa YOG.

“Pangarap kong makasali sa Olympics at napakasaya kong nakalaro rito. Marami akong naging kaibigan at higit sa lahat, marami akong natutuhan sa karanasang ito,” pahayag ni Justiniane, na nagsilbing flag-bearer ng Pilipinas sa closing ceremony.

Sa pagtatapos ng kompetisyon, nanguna ang China sa medal tally tangan ang 17 ginto, walong pilak at pitong tanso. Sumunod ang Japan na may 10-8-9, habang ikatlo ang Russian Federation sa koleksiyong 8-4-2.

Nanguna naman sa mga bansang Southeast Asian ang Singapore sa ika-49 puwesto na may isang ginto at isang pilak. Nasa ika-64 ang Vietnam, ika-66 ang Indonesia, habang nakatabla ng limang iba pang bansa ang Pilipinas sa ika-68 puwesto taglay ang dalawang medalya—isang pilak at isang tanso.

Sa kabila ng hamon ng kompetisyon, malinaw ang mensahe ni Tolentino: higit pang palakasin ang pundasyon ng Philippine sports upang mas maraming kabataang atleta ang magkaroon ng pagkakataong makipagsabayan sa mundo. (POC Media Pool/HNT)