KULONG ang 65-anyos lolo at tatlong iba pa, nang maaktohan sa pagsasabong ng gagamba na may pustahan, sa Navotas City kamakalawa ng hapon .
Kinilala ang mga suspek na sina Crispin Aningat, 65, at Jeffrey Villanueva, 40-anyos, kapwa ng A.R. Cruz, St., Erto Bautista, 22, ng J.B.Santos St., at Ramil Guiuan, 46, ng M. Valle st., pawang ng Brgy. Tangos ng lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong 3:30 p.m. kamakalawa, nakatanggap ang opisina ni Navotas Mayor John Rey Tiangco ng text tungkol sa sugal sa sabong ng gagamba sa M. Valle St., ng nasabing barangay.
Agad tinungo ng mga awtoridad ang lugar at naaktohan ang mga suspek habang malakas ang sigawan dahil sa malaking pusta at hindi nakatakbo ang mga suspek.
Nakompiska sa mga suspek ang walong gagamba at gradas na gamit sa sabong at halagang P1,100 pusta.
(rommel sales)