6 Disyembre 2026 sa Intramuros, Maynila
4 MAKASAYSAYANG IMAHEN NG BIRHENG MARIA, DAMBANA NI ST. ANDREW KIM TAE-GON, TAMPOK SA 45TH GRAND MARIAN PROCESSION

45TH GRAND MARIAN PROCESSION ANDREW KIM TAE-GON

ni Teddy Brul

HABANG papalapit ang unang Linggo ng Disyembre, lalong umiinit ang pananabik ng libo-libong debotong Katoliko para sa pagbabalik ng taunang 45th Intramuros Grand Marian Procession (IGMP) sa darating na 6 Disyembre 2026, sa makasaysayang Walled City ng Maynila.

Sa pangangasiwa ng Cofradía de la Inmaculada Concepción at Intramuros Administration, mahigit 100 imahen ng Mahal na Birhen ang muling magsasama-sama sa parada. Ngunit higit sa garbo ng mga karosa, nakaukit sa bawat imaheng darayo ang makulay na kasaysayan at mga milagrosong tagpo ng pananampalataya.

Kabilang sa mga tampok na imahen sa prusisyon ngayong taon ang apat na pamosong Birhen na may natatanging pinagmulan:

• Nuestra Señora de la O (Pangil, Laguna — Carroza #6): Kilala bilang Virgen de la Expectación o ang nagdadalang-taong Birhen. Ang antigong imahen ay personal na regalo ni Haring Carlos III ng Espanya noong 1759 bilang pasasalamat matapos siyang patuluyin at ipanalangin ng mga Pransiskano sa Pangil noong siya ay prinsipe pa lamang at napatapon sa Filipinas.

• Nuestra Señora de la Visitación de Guibang (Gamu, Isabela — Carroza #55): Ang pinagpipitagang patrona ng Lambak ng Cagayan. Ayon sa kasaysayan noong ika-18 siglo, milagrosong nagpakita ang Mahal na Birhen at nag-iwan ng bakas ng kanyang imahen sa isang punongkahoy, na naging takbuhan ng mga deboto sa panahon ng tagtuyot at kalamidad.

• Nuestra Señora de Candelaria de Silang (Silang, Cavite — Carroza #48): Natagpuan ng isang katutubo sa kabundukan noong 1640. Ilang ulit umanong misteryosong naglaho ang imahen mula sa bahay ng nakapulot at bumabalik sa lugar kung saan ito natagpuan, kaya nagpasya ang bayan na ipatayo roon ang kanyang dambana.

• Nuestra Señora de la Soledad de Porta Vaga (Cavite City): Itinuturing na pinakamatandang dated Marian painting sa Filipinas (1692). Ayon sa tradisyon, inanod ang kuwadrong ito sa dalampasigan ng Cañacao Bay matapos magpakita ang Birhen sa isang guwardiyang Kastila sa gitna ng malakas na bagyo.

MGA ROADSIDE ALTARS AT SI ST. ANDREW KIM TAE-GON

Bukod sa mahigit isang daang karosa na babaybay sa mga lansangan ng Intramuros, maglalagay rin ang mga organisador ng mga Roadside Altars sa mga piling kanto upang doon makapagdasal nang malapitan ang mga deboto.

Isa sa mga espesyal na itatampok bilang Roadside Altar #12 (sa kahabaan ng General Luna Street, malapit sa NYK) ang imahen ni St. Andrew Kim Tae-gon mula sa Parish of Nuestro Señor Jesucristo at Diocesan Shrine of Saint Andrew Kim Tae-gon sa Barangay Lolomboy, Bocaue, Bulacan.

Si St. Andrew Kim Tae-gon ang kauna-unahang paring martir ng Korea. Malapit siya sa puso ng mga Filipino — lalo na sa mga taga-Bocaue — dahil nanirahan at nag-aral siya sa Lolomboy mula 1837 hanggang 1841 upang takasan ang pag-uusig sa Korea, bago siya bumalik sa kanyang bayan at nag-alay ng buhay bilang martir noong 1846. Ang paglahok ng kanyang imahen ay bahagi rin ng paghahanda ng mga kabataan para sa nalalapit na World Youth Day (WYD) Seoul 2027.

Kasama sa mga kompirmadong Roadside Altars ang replica ng Nuestra Señora de los Dolores de Turumba (pag-aari ng pamilyang Espera, sa tapat ng Knights of Columbus malapit sa San Agustin Church), Nuestra Señora de Guadalupe – Madre Peregrina (sa harapan ng Manila Cathedral), Nuestra Señora de Salvacion (Silahis Arts Building, Roadside Altar #20), at Nuestra Señora de Barangay (sa tapat ng Mapúa University).

Pinapayohan ang mga motorista at debotong dadalo na maagang magplano ng biyahe at sundin ang ipatutupad na traffic rerouting at ang mga designated parking area sa paligid ng Intramuros. (30)

TALA: Ang traffic advisory at rerouting plan ay nasa pangangasiwa ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Intramuros Administration. Ang mga larawan sa kalakip na photo collage ay mula sa Pintakasi Facebook page at website nito, gayundin sa mga opisyal na pahina ng mga parokya ng mga kalahok na Birheng Maria.

Mga larawan nagmula sa pintakasi.ph at mga parokya (official Facebook page)