Jockey Jeffril T Zarate Lucency PHILRACOM

PINATUNAYAN ng imported na kabayong si Lucency (USA) ang angking bilis at lakas matapos masungkit ang kampeonato sa 2026 PHILRACOM Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup Stakes Race nitong Linggo, Nobyembre 22, sa Philippine Jockey Club (PJC) sa Padre Garcia, Batangas.

Naging tampok na karera sa 31st MARHO Breeders Championship ang 2,000 metrong laban, kung saan ginabayan ni Jockey Jeffril T. Zarate si Lucency tungo sa panalo.

Agad na kinuha ni Lucency ang unahan at pinanatili ang kalamangan sa malaking bahagi ng karera. Sinubukan ni Speed Runner na agawin ang liderato, ngunit hindi nito nakasabay sa bilis ng Lucency pagsapit sa huling kurbada.

Hindi na nagpaawat si Lucency hanggang sa finish line at nagtala ng 2 minuto at 4 na segundong oras (2:04.0) para makopo ang prestihiyosong titulo.

Pumangalawa ang Readytoriskitall na tinapos ang karera nang halos isang kabayo ang layo sa kampeon.

Bukod sa titulo, nag-uwi rin ang kampo ni Lucency ng ₱1.8 milyong unang gantimpala mula sa kabuuang ₱3 milyong papremyo.

Nasa likod ng tagumpay ang mga may-ari nitong sina Joseph C. Dyhengco at Ceasar Daniel T. Castro, kasama ang trainer na si Dante I. Salazar at hinete nitong si Zarate.

Pinalaki sa Whisper Hill Farm LLC sa Estados Unidos, si Lucency ay anak ng Tapwrit (USA) at Crowning Affair (USA).

Sa panalong ito, muling ipinakita ni Lucency ang husay at tibay na kailangan upang mangibabaw sa mahihigpit na karera sa bansa. (HNT)