HARD TALK
ni Pilar Mateo
NGAYONG Linggo, may ratings na ang mga pelikulang horror, drama, comedy, at action.
Pelikulang horror, drama, comedy, action-adventure at concert ang mapagpipilian matapos ilabas ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang film classification para sa mga tampok na palabas ngayong linggo.
Paalala ng masipag na Chair ng MTRCB at CEO na si Lala Sotto sa mga magulang, tingnan muna ang mga rating para makapili ng age-appropriate na sine para sa kanilang mga pamilya.
“Karamihan sa palabas ngayong linggo ay rated R-13 at R-16. Ibig sabihin ay kailangan ng pagsubaybay ng magulang habang nanonood ang mga bata,” anang MTRCB Chair.
“Pwede pa rin naman mag-enjoy ang ating mga anak sa mga horror o action movie, basta tayo ay handang ipaliwanag ang mga aspetong hindi pa nila maintindihan,” dagdag ni Sotto.
Ang BTS: Global Takeover, isang 2020 documentary tungkol sa sikat na South Korean boy band, ay rated PG at mapapanood lamang sa Megaworld Cinemas.
Samantala, ang Japan edition ng Jeonghan x Joshua Journey Into [Dreaming] ay may PG rating din. Ang live viewing ng concert ng SEVENTEEN sub-unit ay eksklusibong mapapanood sa Ayala Cinemas.
Ang Andoy, isang horror thriller na pinagbibidahan nina Cedrick Juan, Jennica Garcia, Albie Casiño, Paolo Gumabao, Aya Fernandez, Angelica Lao, Victor Relosa, Harly Daria, Vic Romano, at Ivy Nuqui, ay mapapanood sa Ayala Cinemas.
Nakakuha ito ng R-18 rating dahil sa paglalarawan nito ng “prohibited drugs, graphic but non-gratuitous depiction of horror, frightening scenes and gore, and graphic but non-gratuitous depiction of violence and gore.”
Ang Status: Rejected, isa pang gawang Pinoy, ay rated R-13. Tampok sa family drama sina Ruby Ruiz, Alessandra de Rossi, at Beverly Salviejo. Kwento ito ng pangungulila, family conflict, mga online relationship, emotional vulnerability, panloloko, at ang paghahanap sa pagmamahal.
Ang The Hunger Games: Sunrise on the Reaping, ang pang-anim na installment sa The Hunger Games series, ay may R-13 rating. Bida rito sina Jennifer Lawrence, Mckenna Grace, at Joseph Zada na tinatalakay ang mga mature dystopian theme gaya ng mga kabataan na napipilitang sumama sa pakikipaglabanan, pang-aapi, sacrifice and retaliation.
“It includes strong and sustained violence, bloody images, injury detail, disturbing situations, smoking, and teen drinking that are unsuitable for viewers below thirteen (13) years old. The stylized and dystopian context tempers the impact of the violence, but its intensity, bloodshed, and disturbing treatment warrant this rating,” sabi ng MTRCB.
Ang Possessions of Daphne, isang horror film na tampok si Ayla Kaymak, ay rated R-13 dahil sa pagtalakay nito ng supernatural possession, occult practices, paranormal manifestations, atmosphere of psychological tension at sustained horror.
Ang comedy drama na Club Kid ay may R-16 dahil sa kwento nito ng partying lifestyle ng isang ama at ang kanyang kumplikadong relasyon sa kanyang anak. Kabilang sa cast sina Jordan Firstman, Reggie Absolom, at Diego Calva.
Ang You Can See Everything ay isang documentary tungkol kay Silicon Valley founder Elizabeth Theranos. Ito ay rated R-16 dahil sa mga tema nito ng panlilinlang, deception, dishonesty, corporate fraud, accountability, ang bunga ng panloloko sa iba, at ang kumplikadong relasyon ng katotohanan, public perception at personal na responsibilidad.
Ang G o General Audience ay para sa lahat ng edad. Sa PG o Parental Guidance, kailangang may kasamang magulang o guardian ang batang manonood.
Ang R-13 ay para sa edad 13 at pataas, samantalang ang R-16 ay sa edad 16 at pataas. Ang R-18 naman ay sa mga nasa wastong edad lamang.
Katuwang ang MTRCB, mas madaling maipaliwanag at maibahagi sa bawat miyembro ng pamilya ang mga palabas na kanilang nanaising mapanood.
