Michael V Dingdong Dantes

MA at PA
ni Rommel Placente

PANSAMANTALANG si Michael V ang humalili kay Dingdong Dantes bilang host ng Family Feud, habang busy pa ang mister ni Marian Rivera sa serye niya na The Master Cutter.

Puring-puri, aliw na aliw at bentang-benta kay Dingdong ang mga hirit na jokes ni Bitoy sa programa kapag napapanood niya ito.

Sey ni Dindong, hindi sila nagkamali ng napiling hahalili sa kanya.

At kahit abala siya sa taping at iba pang prior commitments, hindi niya pinalalampas ang mga bagong episode ng Family Feud.

Sabi ni Dingdong, “Sobra talaga akong naaaliw at sobra akong tuwang-tuwa na mapanood si Kuya Bitoy.

“Talagang ang galing ng pagho-host niya. Very, very lively at nagkaroon ng ibang flavor ‘yung hosting, at saka ‘yung kanyang mga pagbibitaw din ng jokes,” pagmamalaki pa ni Dong kay Michael V.

At bilang bahagi ng fun countdown to Christmas Day, tuloy-tuloy pa rin ang paglalaro at paghula ng mga bigating guest players sa programa.

“Paparating na ang ating Christmas season. So talagang good vibes ang dala ng show sa lahat ng mga nanonood. Papremyo, walang sawang papremyo pa rin.”

Kamakailan nga lang ay napanood ng madlang pipol ang back-to-back hosting nina Michael V. at Dingdong na talaga namang patok na patok sa rating game.