DAKAR, Senegal — Isinantabi ni Naomi Marjorie Cesar ang posibilidad na magtapos sa ikaapat na puwesto at nagpakawala ng matinding ratsada sa huling 150 metro upang masungkit ang silver medal sa women’s 800 meters ng Dakar 2026 Youth Olympic Games (YOG).
Sa isang matinding habulan sa Complexe Iba Mar Diop Stadium, ipinakita ng 17-anyos na Pinay ang kanyang bilis at tibay upang makasampa sa podium at ibigay sa Pilipinas ang unang medalya sa torneo.
“I worked so hard for this so I told myself I’m not going to come home in fourth place,” ani Cesar, na hindi itinago ang determinasyong makapag-uwi ng medalya para sa bansa.
Matapos manatili sa likuran ng apat na karibal sa mahigit dalawang lap, saka lamang pinakawalan ni Cesar ang kanyang pinakamalakas na hataw sa huling bahagi ng karera.
Hindi na niya naabutan ang Ethiopian na si Netsanet Selemon, na nagkampeon sa oras na 2 minuto at 4.43 segundo. Gayunman, sapat ang kanyang malakas na pagtatapos upang makuha ang pilak sa 2:09.34.
Nakuha naman ng Moroccan na si Khadija Elmostaqim ang bronze medal sa 2:10.05.
“Hinintay ko talaga ang huling bahagi bago ko ibinigay ang lahat,” kuwento ni Cesar.
“Sinabi ko sa sarili ko na kapag humataw na ako, walang makakahabol sa akin at kaya kong abutan ang sinumang puntirya ko. Nagtiwala lang ako sa sarili ko,” dagdag ng Pinay runner.
Dagdag ningning sa kanyang tagumpay ang mga nauna na niyang karangalan, kabilang ang gintong medalya sa 800 meters sa 2025 Bangkok SEA Games. Hawak din niya ang national record sa event na itinakda niya noong Hunyo sa China.
Hindi rin nakaligtas sa papuri ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino ang magandang ipinamalas ni Cesar.
“Congratulations Naomi, mabuhay ka! Ipinagmamalaki ka namin dahil naiuwi mo ang silver medal,” mensahe ni Tolentino.
Nagpaabot din ng pagbati si Philippine Sports Commission chairman Patrick “Pato” Gregorio at Philippine Athletics Track and Field Association president Terry Capistrano.
“Big congratulations Naomi. Well done, Team Philippines!” ani Gregorio.
“Congratulations Naomi at salamat sa pagpapasaya at pagpapamalaki sa mga Pilipino,” pahayag naman ni Capistrano.
Aminado si Cesar na hindi pa rin siya makapaniwala sa kanyang nagawa.
“Parang hindi pa rin totoo. Nang tumawid ako sa finish line, nasabi ko na lang, ‘Oh my gosh, nakakuha ako ng medalya sa Youth Olympics!’”
Bago ang kanyang karera, nakatanggap din siya ng inspirasyon mula sa marathon legend at IOC Global Ambassador na si Eliud Kipchoge, na nagpayo sa kanya na mag-enjoy, ipagmalaki ang kanyang narating at alalahanin ang lahat ng pinagdaanan.
Ang pilak ni Cesar ang ikalawang opisyal na medalya ng Pilipinas sa kasaysayan ng Youth Olympics, kasunod ng silver medal ni Christian Tio sa kiteboarding noong 2018 Buenos Aires YOG.
Hindi kabilang sa opisyal na medal tally ang mixed team gold medal nina Luis Gabriel Moreno at Li Jiaman ng China sa archery sa parehong edisyon. (POC Media Pool/HNT)
