Cesar, may pag-asang mag-medalya sa 800m final sa YOG

Naomi Marjorie Cesar Athletics Dakar YOG

DAKAR, Senegal — Malaki ang tsansa ni Naomi Marjorie Cesar na makasungkit ng medalya sa women’s 800-meter final ng athletics sa 2026 Dakar Youth Olympic Games (YOG) matapos makapasok sa kampeonato nitong Linggo.

Kung pagbabatayan ang personal best ng mga finalist, may matibay na pagkakataon ang Pinay runner na makopo ang silver medal.

Tumapos si Cesar sa ikatlong puwesto sa kanyang heat sa oras na 2 minuto at 20.16 segundo sa Complexe Iba Mar Diop Stadium. Nanguna naman sa kabilang heat ang paboritong si Netsanet Selemon ng Ethiopia sa 2:08.28.

Gayunman, malayo pa ang kanilang mga oras sa kani-kanilang personal best. Hawak ni Selemon ang 2:04.40, habang may 2:06.24 si Cesar na siya ring Philippine record na naitala niya sa Portland Track Festival sa Estados Unidos noong Hunyo.

Ayon kay Philippine Track and Field Association secretary-general Jasper Tanhueco, may magandang tsansa si Cesar na makuha ang silver kung pagbabatayan ang personal-best performances ng mga finalist.

Bukod kay Selemon, mas mabilis din sa qualifying heat kay Cesar sina Khadija Elmostaqim ng Morocco (2:14.10), Valentina Cancino ng Chile (2:16.01), Yvette Kpatcha ng Togo (2:19.34) at Masa Weber ng Slovenia (2:19.89).

Kukumpleto sa walong finalist sina Mpho Maano ng Botswana (2:21.34), Awa Diarra ng Mali (2:23.35) at Ashly Benitez ng El Salvador (2:23.51).

Masaya at kumpiyansa naman si Cesar sa kanyang naging takbo at handang sumabak sa laban para sa medalya.

“Maganda ang pakiramdam ko sa naging takbo ko. Maayos at swabe ang lahat,” ani Cesar.

“Excited na ako sa laban bukas at handa ako sa anumang mangyari,” dagdag ng Pinay, na siyang pinakabatang nagwagi ng 800-meter gold sa Southeast Asian Games sa Bangkok noong Disyembre at nag-uwi rin ng silver sa Asian Youth Games sa Bahrain.

Gaganapin ang 800-meter final sa ganap na 5:10 ng hapon sa Dakar o 1:10 ng madaling-araw sa Martes sa Pilipinas. (POC Media Pool/HNT)