Krog, ika-30 sa YOG cycling; babawi sa time trial

Maritanya Krog Cycling Dakar YOG

DAKAR, Senegal — Nahirapan si Maritanya Krog sa matinding init ng panahon sa Senegal at nagtapos lamang sa ika-30 puwesto sa women’s road race ng cycling sa 2026 Dakar Youth Olympic Games (YOG).

Nagtala ang 17-anyos na Pinay ng isang oras, 42 minuto at anim na segundo, kasabay si Julia Victoria Lambert ng Argentina. Mahigit 10 minuto ang kanilang agwat sa nagwaging si Angelina Novolodskaya.

Nakuha ni Novolodskaya ang gintong medalya sa pamamagitan ng malakas na sprint finish, habang pumangalawa si Alsie Apps ng Australia at pumangatlo si Linda Sitkova ng Czech Republic. Kapwa nagtala ng 1:31:19 ang tatlong medalist sa 59.50-kilometrong karera na binubuo ng walong ikot sa Corniche course.

Nanatiling magkakadikit ang mga siklista sa halos kabuuan ng karera bago nagpakawala ng matinding ratsada ang mga European at Australian rider sa huling dalawang ikot.

May pagkakataon pang bumawi si Krog sa 8-kilometrong individual time trial sa Martes na idaraos din sa parehong ruta.

Sa 42 siklistang nakalista, anim ang hindi nakatapos at isa ang hindi nakapagsimula. Dalawang Southeast Asian bet mula Indonesia at Vietnam ang naunang nakatapos kay Krog, habang nasa ika-35 at huling puwesto ang kinatawan ng Thailand. (POC Media Pool/HNT)