Jiu-Jitsu, isusulong bilang pagsasanay sa mga pulis at sundalo

Jonz Sandoval Jiu-Jitsu PSC TOPS

PINALALAWAK ang pagtuturo ng Brazilian martial art na Jiu-Jitsu sa mga pulis, sundalo at iba pang unipormadong tauhan upang magkaroon sila ng dagdag na kakayahan sa pagtatanggol sa sarili at pagharap sa mga mapanganib na sitwasyon sa kanilang trabaho.

Sa pangunguna ni Jonz Sandoval, head coach ng PNP NHQ/SAF Jiu-Jitsu Program, layunin ng programa na maturuan ang mga pulis at sundalo ng tamang paraan ng pagdepensa at pagkontrol sa isang tao nang hindi kinakailangang manakit.

Ayon kay Sandoval, nakatuon ang kanilang programa sa paggamit ng puwersang hindi nagdudulot ng malubhang pinsala upang mapigilan ang isang tao sa halip na saktan ito.

“Nagsimula kami sa PNP at nag-alok na rin kami ng programa sa iba pang ahensya. Ang gusto namin ay maituro ang Jiu-Jitsu bilang paraan ng pagtatanggol sa sarili na hindi kailangang manakit ng ibang tao. Sa pamamagitan ng vertical Jiu-Jitsu, matututuhan nilang dumepensa at kumontrol ng isang tao nang hindi ito nasasaktan,” paliwanag ni Sandoval sa lingguhang Tabloid Organization in the Philippine Sports, Inc. (TOPS) Usapang Sports Forum.

Bilang bahagi ng pagpapalawak ng programa, isasama ang Jiu-Jitsu bilang demonstration sport sa Philippine Uniformed Services As One (PUSO) Olympics sa Nobyembre 19 sa ULTRA.

“Ngayon lang kami makakasali sa PUSO Olympics at magkakaroon kami ng demonstration sa ULTRA sa November 19. Ipapakita namin ang Tactical Jiu-Jitsu na angkop sa trabaho ng mga law enforcer. Gusto naming matutuhan nila kung paano kontrolin ang isang sitwasyon nang hindi nalalagay sa panganib ang kanilang sarili,” ani Sandoval.

Kasama rin sa kanilang pagsasanay ang pagtalakay sa mga sitwasyong may kinalaman sa armas upang mas maging handa ang mga law enforcer sa iba’t ibang hamon sa kanilang trabaho.

Ibinahagi rin ni Sandoval na bumisita na sa Pilipinas ang mga kilalang Brazilian Jiu-Jitsu masters na sina Renzo Gracie, Ralph Gracie at Grandmaster Rigan Machado upang magbigay ng pagsasanay sa mga miyembro ng PNP.

Nais din niyang makuha ang suporta nina Congressman Mike Dy, Senator Bong Go at Senator Migz Zubiri upang maisulong ang panukalang gawing regular na pagsasanay sa mga law enforcement agencies, kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ang Jiu-Jitsu.

“Opisyal na programa ito kaya gusto naming maisabatas. May ilang ahensya nang bukas sa aming panukala. Kasama rin sa panukalang batas ang pagkakaroon ng maayos na training center para sa mga uniformed personnel upang matutuhan nila ang mga pangunahing paraan ng pagtatanggol sa sarili gamit ang Jiu-Jitsu,” pagtatapos niya.

Ang TOPS forum ay suportado ng Philippine Sports Commission, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine. (HNT)