ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SUPER-HAPPY si Robb Guinto dahil ang kanilang pelikulang “Desperada” na pinamahalaan ng batikang si Direk Louie Ignacio ay na-screen sa NETPAC Section ng Asian Film Festival Barcelona.
Wika ng hot na hot na sexy actress, “Iyong Desperada po, na-screen na last October 29 sa Asian Film Festival Barcelona under the NETPAC Section. Wala pa po akong ibang updates sa ngayon, pero super-happy and grateful ako na nakarating ‘yung film namin sa international film festival.”
“Proud po talaga ako! Nakatutuwa at sobrang thankful ako na nabigyan ng ganitong opportunity ‘yung movie namin. Proud din ako sa buong team ng Desperada,” masayang sambit pa niya.
Sa Desperada ay markado ang ginampanang papel ni Robb, bilang isang babaeng lumaki sa pang-aabuso at pinilit na ibenta ng sariling ama hanggang sa nawala siya sa sarili.
Ano’ng pinagkakaabalahan niya ngayon na project o business?
“Busy pa rin naman po ako sa mga endorsements, appearances, content creation, at iba pang projects.
“Tapos mayroon din akong business ngayon na currently under construction. Pero ayaw ko munang i-disclose kung ano ‘yun, kasi gusto ko surprise muna! Hahaha!” Pakli ni Robb.
Aniya pa, “Mayroon pong mga pinag-uusapang projects ngayon, pero ayaw ko munang magbigay ng details hangga’t hindi pa final. Basta excited ako sa mga susunod na projects ko.”
Sino pang actor ang wish niyang makatrabaho?
Aniya, “Marami po actually! Pero gusto ko rin makatrabaho ‘yung mga veteran actors, natin kasi feeling ko ang dami kong matututuhan sa kanila. Gusto ko rin ma-challenge at mas ma-improve pa iyong acting skills ko.”
Pero, sinong partikular na actor or actors?
“Siguro po sina Ms. Charo Santos at Mon Confiado. Kasi, sobrang hinahangaan ko po ‘yung acting nila at gusto ko talagang ma-experience na makasama sila sa isang eksena man lang. Feeling ko po ay marami akong matututuhan sa kanila.”
