
HATAW News Team
INIHAIN ni Senator Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 2563 na naglalayong protektahan ang mga manggagawang Filipino laban sa ‘di-makatarungang pagtatanggal sa trabaho kapalit ng Artificial Intelligence (AI) sa mga kompanya.
Sinabi ni Tulfo, tinatanggap at inuunawa na mahalagang makaangkop ang mga negosyo sa makabagong teknolohiya, ngunit hindi dapat maisakripisyo ang kabuhayan ng mga taong empleyado.
“Hindi mawawala ‘yung kailangang mag-adopt ng mga kompanya sa AI pero ‘di dapat maiwan ‘yung manggagawang Filipino at dumanas ng kahirapan dahil tinanggal sila basta-basta kapalit ng AI,” pahayag ni Tulfo.
Sa ilalim ng panukala, maaari lamang magtanggal ng manggagawa dahil sa AI kung may aktuwal na paggamit ng teknolohiya, isinagawa ito nang may mabuting layunin, makatuwiran ang dahilan gaya ng pagpapababa ng gastos at pagpapahusay ng serbisyo, wala nang ibang alternatibo, at patas ang pagpili sa mga maaapektohan.
Nakasaad sa panukala na ang matatanggal na empleyado ay dapat makatanggap ng separation pay na hindi bababa sa dalawang-buwang sahod o dalawang-buwang sahod sa bawat taon ng serbisyo, alinman ang mas mataas.
Inaatasan ang mga employer na magbigay ng abiso sa Department of Labor and Employment (DOLE) nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang mga AI-related na tanggalan.
Bukod dito, obligadong bigyan muna ng pagsasanay o re-skilling ang mga empleyado upang magkaroon ng pagkakataong makapag-adjust sa bagong sistema bago humantong sa pagtanggal sa trabaho.
Iginiit ni Tulfo na dapat maging maagap ang pamahalaan at pribadong sektor upang maprotektahan hindi lamang ang trabaho kundi pati ang kabuhayan ng mga pamilyang umaasa sa mga manggagawa.
