Sa Calapan, Oriental Mindoro
Bangkay ng nursing student natagpuan sa bakanteng lote

Calapan Oriental Mindoro Police PNP

HATAW News Team

WALA nang buhay nang matagpuan ang katawan ng 20-anyos babaeng nursing student sa isang bakanteng lote sa Brgy. Sapul, sa lungsod ng Calapan, lalawigan ng Oriental Mindoro, nitong Sabado ng madaling araw, 7 Nobyembre.

Ayon kay P/Col. Efraim Camara, provincial director ng Oriental Mindoro PPO, nakita ang biktima dakong 1:15 ng madaling araw kamakalawa, na may sugat sa kaniyang dibdib at nakahubad ang pang-ibabang damit, kaya tinitingnan nila ang posibilidad na siya ay minolestiya.

Ani Camara, naghihintay pa sila ng pinal na resulta mula sa forensic team.

Positibong kinilala ng kaniyang pamilya ang biktimang residente sa Brgy. Labonan, sa bayan ng Bongabong, sa naturang lalawigan, at nasa ikatlong taon na ng pag-aaral ng kursong Nursing sa St. Anthony College.

Mariing kinondena ng paaralan ang pamamaslang sa kanilang estudyante at nananawagan ng hustisya para sa biktima.

Samantala, nag-alok si Bongabong Mayor Mike Malaluan ng P100,000 pabuya para sa impormasyong makatutulong sa pagdakip sa suspek.

Pahayag ni Malaluan, “Sobrang karumaldumal po. Hindi ko po kayang palampasin na hindi mabigyan ng hustisya ‘yung pamilya.”

Gayundin, bumuo ang Calapan CPS ng special investigation team upang tumutok sa kaso.

Bagaman walang CCTV camera sa pinangyarihan ng krimen, sinusuri ng mga awtoridad ang mga kuha sa mga kalapit na lugar upang matukoy ang mga pinuntahan ng biktima bago siya pinaslang at makita ang suspek na posibleng dumaan.