LUNGSOD NG MALOLOS – Kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinamumunuan ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson, ang mga Bulakenyong umabot sa edad na 100 anyos at ipinagdiwang ang Elderly Week sa pamamagitan ng “Pagkilala sa Sentenaryong Bulakenyo” noong 30 Oktubre 2026, sa Zoom, na may temang “Nakatatandang Pilipino: May Halaga at Karapatan, May Boses at Ambag sa Bayan.”
Bilang pagkilala sa kanilang pag-abot sa edad na 100 taon, bawat sentenaryo ay pinagkalooban ng ₱10,000, plake ng pagkilala, at basket ng mga prutas bilang pagpapahalaga sa kanilang makabuluhang buhay at mga ambag.
Matapos makausap ang ilan sa mga sentenaryo, binigyang-diin ni Gob. Daniel R. Fernando ang mahalagang bahagi nila sa kasaysayan at kung paano magsisilbing inspirasyon at gabay sa mga susunod na henerasyon ang kanilang mga karanasan, kuwento, at karunungan.
“Ang umabot po sa edad na 100 ay isang malaking biyaya. Tiyak na marami kayong pinagdaanang pagsubok, masasayang karanasan, at mahahalagang pangyayari sa buhay, at sa kabila ng lahat, narito kayo ngayon at nagsisilbing inspirasyon sa ating pamayanan. Kaya sa pagdiriwang natin ng Elderly Week, nais nating ipaalala na mahalaga ang bawat isa sa inyo, sapagkat bahagi kayo ng ating kasaysayan, at ang inyong mga karanasan at aral sa buhay ay patuloy na magsisilbing gabay sa susunod pang mga henerasyon,” pahayag ni Fernando.
Dinaluhan ang birtuwal na pagtitipon ng 118 sentenaryo, 24 city at municipal social welfare and development officers, 24 pangulo ng Bulacan Federation of Senior Citizens Associations, 24 pinuno ng Offices for Senior Citizens Affairs, at mga kawani ng PSWDO bilang pagkilala sa mga ambag at patuloy na papel ng mga nakatatanda sa lipunan.
Sa pamamagitan ng taunang pagdiriwang, muling pinagtibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pangako nitong pangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga nakatatanda, kasabay ng pagkilala sa kanilang mahahalagang ambag at patuloy na papel sa pag-unlad ng mga komunidad. (MICKA BAUTISTA)
