PAGPAPALAGANAP ng responsableng pagmamay-ari ng baril at pagsugpo sa ilegal na armas ang magiging sentro ng ikalawang bahagi ng 32nd Defense and Sporting Arms Show na inihahanda ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD) sa Nobyembre 18–22 sa Megatrade Hall ng SM Megamall, Mandaluyong City.
Inaasahang magsasama-sama sa limang araw na aktibidad ang mga kinatawan ng industriya at mga ahensiya ng pamahalaan upang palakasin ang pagsunod sa batas at pagtutulungan laban sa pagkalat ng mga ilegal na baril.
Ayon kay AFAD President Aric Topacio, patuloy na isinusulong ng asosasyon ang isang organisado at responsableng industriya na mahigpit na sumusunod sa mga umiiral na regulasyon.
Naimbitahan na rin ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensiya upang makibahagi sa pagtitipon at mapatatag ang ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor.
Giit ni Topacio, kaakibat ng pagmamay-ari ng baril ang responsibilidad na sumunod sa batas, tiyakin ang wastong pag-iimbak at paghawak nito, at pangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
Binigyang-diin din niya na dapat maging mahigpit ang mga lehitimong negosyante sa pagsunod sa mga batas at proseso ng paglilisensiya upang maiwasang makapasok sa merkado ang mga ilegal na armas.
Bukod sa kampanya kontra ilegal na baril, nais ding makipag-ugnayan ng AFAD sa mga kinauukulang ahensiya upang makabuo ng mga patakarang magpapalakas sa regulasyon nang hindi naman labis na nagpapahirap sa mga lehitimong may-ari at negosyante.
Kasama rin sa adbokasiya ng asosasyon ang pagtulong sa mga atletang Pilipino sa shooting sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga sports authority upang higit pang mapaunlad ang kanilang kakayahan at kakumpitensya sa international competitions. (HNT)
